Mana ng ampon
SINA Joseph at Lina ay matagal nang kasal ngunit wala silang anak. Dahil dito, kinuha nila ang kanilang pamangkin na si Amy, na siyam na taong gulang, upang alagaan at palakihin bilang sariling anak.
Pinag-aral nila si Amy sa pamamagitan ng private tutor at sinuportahan sa lahat ng paraan, habang ipinapakita naman ni Amy ang kanyang pagmamahal at pagtulong sa mag-asawa sa pamamagitan ng pagtupad sa gawaing bahay at pagiging masunurin.
Bukod sa pagiging mapagmahal sa bata, matagumpay rin ang mag-asawa sa kanilang negosyo, kaya’t napautang nila ang kanilang kapitbahay na si Patrick. Nang inalok ni Patrick na ipagpalit ang isang parselang lupa bilang kabayaran sa utang, pumayag sina Joseph at Lina.
Ngunit bago maisakatuparan ang bentahan, pinakiusapan ni Joseph ang kanilang abogado na ipangalan ang lupa kay Amy, upang sa kanyang pagtanda ay magkaroon siya ng sariling ari-arian.
Sa kasamaang-palad, namatay si Amy noong 1949 dahil sa kanyang sakit na matagal nang nararamdaman. Pagkatapos ng kanyang pagkamatay, inangkin ng kanyang mga kamag-anak at kabilang ang kapatid na babae at mga pamangkin mula sa kapatid na lalaki ang lupa na nakapangalan sa kanya.
Pinaglaban ng mag-asawa na dapat bumalik sa kanila ang lupa dahil ibinigay lamang nila ito kay Amy.
Ayon sa korte, mali ang kanilang ginawa. Ang batas na tinutukoy nila ay para lamang sa legal na ampon, kung saan dapat pormal na dumaan sa korte ang proseso ng pag-aampon.
Sa kaso nina Joseph at Lina, hindi pormal na naaprubahan ng korte ang pag-ampon kay Amy, kaya’t ang lupa ay hindi babalik sa kanila. Ang malas nila dahil hindi naman kinikilala sa ating batas ang “extrajudicial adoption” kung saan walang pormal na basbas ng korte sa pag-ampon dahil kung malinaw ang nakasulat sa batas, iyon lang ang eksaktong susundin (Banawa vs. Mirano, 97 SCRA 517).
- Latest















