Tahimik ang walang kasalanan
KUNG ingay lang ang labanan, matagal nang talo ang katotohanan. Pero kung tapangan ang usapan, hindi umaatras si 1st District Surigao del Sur Rep. Romeo Salazar Momo.
Sa gitna ng kaliwa’t kanang paninira, reklamo, at akusasyon na paulit-ulit ibinabato sa kanya lalo na tungkol sa mga flood control project ng gobyerno isang bagay ang malinaw wala siyang tinatakbuhan.
Habang ang mga kalaban niya sa pulitika ay abala sa pagsampa ng reklamo at pagpapakalat ng duda, si Momo ay tahimik na nagtatrabaho. Hindi dahil walang sagot kundi dahil alam niyang ang katotohanan ay hindi ipinagtatanggol sa tsismis, kundi sa tamang proseso.
Mismong si Momo ang nagsabi: “Wala akong alam sa mga paninira. Pero kung may akusasyon, handa akong humarap—kahit kanino, kahit kailan, basta sa tamang lugar.”
Iyan ang hindi kayang tularan ng mga bumabanat sa kanya. Sa bansang sanay sa trial by publicity, ginagawang hatol ang reklamo kahit wala pang ebidensiya. Ginagawang kriminal ang tao kahit wala pang imbestigasyon. Mas mahalaga ang headline kaysa katotohanan.
Pero malinaw ang flood control project ay hindi laruan ng isang indibidwal. May proseso, may ahensiya, may dokumento, at may pananagutan. Kung may anomalya, may sistema para tuklasin iyon hindi paninira sa media, hindi character assassination, at hindi pulitikang takot sa patas na laban.
Ang totoo, hindi si Momo ang problema. Ang problema ay ang Pulitikang ginagamit ang reklamo bilang armas at ang ingay bilang panakip sa sariling interes.
Ika nga, Hindi siya nagtatago. Hindi siya nagtatakip. Hindi siya nakikipagbardagulan sa social media.
Ang ginagawa niya naghihintay ng katotohanan at handang humarap dito.
Para sa mga kabataang sawang-sawa na sa lider na puro drama pero walang bayag sa pananagutan, malinaw ang mensahe ni Momo. Kung may sala, ilabas ang ebidensiya. Kung wala, itigil ang paninira.
Sa dulo ng lahat ng ito, isang tanong lang ang mahalaga: Sino ang may tapang humarap sa katotohanan? At sa puntong iyon, malinaw ang sagot. Si Momo—nandiyan, nakatayo, at hindi uurong.
Disklaymer: Ang artikulong ito ay isang opinyon hinggil sa isang pampublikong usapin. Ang mga binanggit ay tumutukoy lamang sa mga alegasyon at wala pang pinal o pormal na desisyon mula sa Ombudsman, korte, o alinmang ahensiya ng pamahalaan. Layunin ng sanaysay na maglahad ng pananaw at hindi magpataw ng hatol o manira ng dangal ng sinuman, alinsunod sa umiiral na mga batas laban sa libel.
- Latest















