EDITORYAL - Kailangan ang desenteng evacuation centers

MATINDI ang iniwang pinsala ng Bagyong Tino sa Cebu at iba pang probinsiya sa Visayas noong nakaraang linggo. Kahapon nanalasa ang bagyong Uwan sa maraming lugar sa bansa.
Nagpatupad ng puwersahang evacuation ang mga awtoridad. Ayaw nang maulit ang nangyari sa bagyong Tino na marami ang hindi nailikas kaya inabutan sa kanilang mga bahay. Nasa 188 ang namatay sa baha. Karamihan ay nalunod.
Kahapon, maraming evacuees ang dinala sa mga eskuwelahan, covered court at iba pang maaaring silungan ng mga tao.
Nagsiksikan ang mga tao sa school. Kawawa ang mga bata at matanda. Ang iba ay hindi malaman kung saan pupuwesto. May mga tent na itinayo subalit kulang din sa dami ng inilikas. Problema kung saan dudumi at iihi ang evacuees.
Noon pa problema ang kakulangan ng evacuation centers. Kapag bumagyo, lumindol at bumaha, walang masilungan ang mga apektadong residente. Nasaan na ang pangakong desenteng evac centers?
Wala pa ni isang evacuation center na naipatatayo ang pamahalaan sa kabila na ipinag-utos na ni President Marcos Jr. ang pagtatayo ng desenteng evacuation centers.
Noong Disyembre 6, 2024, nilagdaan ng Presidente ang Ligtas Pinoy Centers Act kung saan magtatayo nang matibay na evacuation centers sa bawat bayan na kumpleto sa pasilidad. Binigyan niya ng direktiba ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa pagtatayo ng evacuation centers. Sabi ni Marcos, tiyakin ng DPWH na matatapos sa tamang panahon ang konstruksyon ng evacuation centers at dapat nakasunod ito sa mga pamantayan ng National Building Code.
Subalit mag-iisang taon na ang nakararaan mula nang lagdaan ang batas wala pang naitatayo kahit isang evacuation center. May aasahan pa ba sa evacuation centers o magiging bahagi na lamang ito ng pangako na mapapako? Kumikilos ba ang DPWH na inatasang magtatayo ng evacuation centers?
Pagsikapan ng DPWH na maitayo ang evacuation centers at nang hindi na gamitin ang mga eskuwelahan. Apektado ang pag-aaral ng mga bata. Sinisira rin ng evacuees ang mga gamit sa school gaya ng pisara at mga silya.
Maging maingat lamang na hindi maging ugat ng anomalya ang mga itatayong evac centers. Matuto sa anomalya ng flood control projects.
- Latest
















