Kasado ka na sa abroad: Handa ka na ba talaga?
Kasado na ang biyahe mo papunta sa ibang bansa. Dumaan ka sa tamang proseso—tiyak mong lehitimo ang recruiter at employer, kumpleto ang papeles, passport, aprubadong visa, job offer, at buo ang loob mong lisanin ang Pilipinas para tuparin ang matagal mo nang pangarap. Isang pag-asang tila hindi mo matagpuan sa sarili mong bayan kaya maghahanap ka ng kapalaran sa ibang lupain.
Natural lang ang kaba. Sasabayan ito ng sabik, lungkot, takot, at kaunting ligaya. Ganyan talaga ang pakiramdam ng mga unang hakbang palayo sa pamilya. Sa utak mo, naglalaro na ang mga eksena ng buhay na inaasam: regular na sahod, sariling bahay, edukasyon para sa anak, at kaunting ginhawa para sa mga magulang. Pero sapat na ba ang panaginip para suungin ang reyalidad?
Madalas, ang alam lang ng paalis na overseas Filipino worker ay ang sinabi ng recruiter, mga kuwento ng kakilala, o ilang napanood sa social media. Bihira ang talagang nagsasaliksik o sumusubok alamin ang mga karaniwang karanasan sa bansang pupuntahan. Pero importante ito. Dahil hindi lahat ng lumalabas ng bansa ay sinusuwerte. Totoo, maraming nakaahon sa kahirapan—pero marami ring nauwi sa delubyo, naloko, nasaktan, o napilitang umuwi na luhaan. Ang tagumpay ay hindi basta idinudulot; pinaghahandaan ito.
Sa rami ng mga Pilipinong OFW—mahigit 1.9 milyon sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authorioty noong 2023—hindi mauubos ang mga kuwento ng pakikibaka. Isa sa mga ito ay ang kay Irish Eden Belleza, isang Filipinang dalawang dekada nang naninirahan at nagtatrabaho sa United Arab Emirates (UAE). Sa isang isyu ng The National, ibinahagi niya ang mahahalagang aral na natutunan niya sa 20 taon bilang isang OFW sa isang bansang banyaga sa kultura, klima, at pamumuhay.
Aminado si Irish na hindi madali ang lahat. Kahit matagal na siya sa Dubai, nariyan pa rin ang lungkot at pangungulila. Hindi rin mawawala ang pagod—lalo na kapag mag-isa kang gumagalaw sa isang bansang hindi mo lubos na tahanan. Para makabawi, sinisikap niyang umuwi taon-taon sa Cebu upang makasama ang pamilya, o kung hindi man, nagpapahinga sa mga staycation o maikling bakasyon sa UAE. Para sa kanya, mahalagang may masasandalan—kaibigan, partner, o kapwa Pilipino. Ang pakikipagkapwa ay isang paraan para hindi malugmok sa kalungkutan.
Hindi habambuhay ang kinang ng dolyar o dirham, wika nga niya. Madaling mabighani sa kinikita lalo na sa lungsod gaya ng Dubai, kung saan laganap ang konsumerismo at tukso ng marangyang pamumuhay. Marami ang nauubos ang sahod sa luho o sa walang planong pagpapadala ng pera sa Pilipinas. Para kay Irish, kailangang mamuhay sa abot ng kakayahan, magtipid, at mag-impok. Mahalaga rin ang pamumuhunan, kung saan maaaring mapunta ang pinaghirapang kita—sa bahay, lupa, mutual fund, negosyo, o kahit simpleng alkansya. Kahit may bank account na siya, may alkansya pa rin siyang hinuhulugan. Isa ito sa mga simpleng hakbang na tumulong sa kanyang makapagpatayo ng sariling bahay sa Pilipinas. Tuwing umuuwi siya, ibinubulong niya sa sarili: “Well done.”
Hindi rin kailangang laging “oo.” Ayon sa kanya, hindi masama ang tumanggi, lalo na kung lampas na ito sa kaya mong ibigay. Walang masama sa pagtulong, pero kailangang may hangganan. Kung wala kang ititira para sa sarili mo, darating ang araw na wala ka na ring maibabahagi.
Hindi rin siya tumigil sa pag-aaral. Pinayuhan niya ang kapwa OFW na patuloy na magdagdag ng kaalaman—dumaan man ito sa online learning, pagtanggap ng certification, o pag-aaral ng ibang wika. Ayon sa kanya, ang bagong kaalaman ay nagsisilang ng bagong oportunidad, at mas pinapalawak nito ang posibilidad ng promosyon o paglipat sa mas maginhawang trabaho. Para sa kanya, ang financial literacy ay hindi dapat ituring na opsyonal; kasing halaga ito ng buwanang sahod.
Isa rin siyang makabayan. Habang may mga kababayan siyang nagsasabing mas gusto nilang manatili sa ibang bansa kaysa bumalik sa Pilipinas, iginagalang niya ito pero may paalala rin siya: huwag maliitin ang sariling bayan. Aniya, mas nagiging makahulugan ang tagumpay sa ibang bansa kapag nananatili kang mapagpakumbaba at konektado sa pinanggalingan. Ang pagkatao ay hindi dapat nabubuo ng yabang, materyalismo, o palagiang pag-kumpara sa iba. Hindi perpekto ang Pilipinas—pero ganoon din ang lahat ng bansa. Para kay Irish, hindi niya ipagpapalit ang kanyang pagka-Pilipino para sa ibang pagkamamamayan.
At habang tumatagal siya sa abroad, mas nagiging malinaw sa kanya ang kahalagahan ng pagpaplano sa pagreretiro. Hindi habang panahon kang OFW. Sa totoo lang, sabi niya, hindi na siya ganoon kakilala sa Cebu. Marami nang nagbago—maging ang mga kamag-anak, kaibigan, at kapitbahay. Kaya tuwing umuuwi siya, sinisikap niyang bumalik sa ritmo, muling makakonekta, at i-angkop ang sarili sa tahanang minsan na niyang iniwan. Para sa kanya, bahagi ng “exit plan” ang reintegrasyon: ang muling pag-angkop sa sariling bayan, habang pinaplano kung ano ang susunod—magnegosyo ba? Magtrabaho online? O tahimik na magretiro?
Hindi madali ang maging OFW. Pero gaya ng ipinapakita ni Irish, hindi rin ito basta kapalaran lang. Tagumpay ang bunga ng maingat na pagpapasya, disiplina, at patuloy na pagmamahal sa sariling lahi. Kung papalaot ka sa ibang pampang, siguraduhing dala mo hindi lang ang pangarap kundi ang kaalaman, lakas ng loob, at pagmamalasakit sa pinanggalingan.
* * * * * * * * * *
Email- [email protected]
- Latest



















