Kahit pro-Digong tinulungan ng gobyerno
NANG may 17 OFWs ang dinakip at ikinulong sa Qatar dahil nagprotesta sa pag-aresto kay dating Presidente Duterte, hindi nag-atubili ang pamahalaan.
Agad gumalaw ang embahada ng Pilipinas sa Qatar upang i-negotiate ang pagpapalaya sa kanila. At ito’y nagbunga ng positibong resulta.
Ang maganda, puwedeng bumalik sa kani-kanilang trabaho ang mga naturang OFW as if walang nangyaring aberya. Kung tutuusin, ang illegal assembly ay may takdang parusang pagkabilanggo sa Qatar pero dahil sa magandang ugnayan ng Pilipinas sa nabanggit na bansa, ang mga OFW ay pinatawad.
Personal na nagtungo sa Malacañang ang sugo ng Qatar na si Ambassador Al Homidi upang iparating ang magandang balita. Kung benggatibo si President Marcos, Jr. maaaring hindi na niya ipag-utos sa ating embahada na tumulong sa mga OFW na sumusuporta kay Duterte na tumawag sa kanya na tamad at adik. Pero obligado siyang tumulong ayon sa batas.
Ginawa lang ng Presidente ang itinatadhana ng batas na tumulong sa mga Pilipinong nagigipit sa ibang bansa. Dokumentado man o hindi, legal man o ilegal ang pagtungo ng isang mamamayang Pilipino saanmang bansa sa mundo, dapat siyang tulungan ng gobyerno.
Mahirap din ang maging Presidente. Kahit kalaban na lumalait sa iyo ay dapat mong saklolohan kung siya ay Pilipino dahil iyan ay itinatadhana ng batas.
Pero may mga nagtatanong—bakit hindi niya sinaklolohan si ex-president Duterte nang arestuhin upang dalhin sa ICC? Iyan nga mismo ang usaping lalong humahati sa bayan ngayon.
Sa mga kaanak ng mga biktima ng bloody drug war ni Duterte, tama lang ang ginawa sa dating Presidente pero sa mga nagtuturing na bayani sa kanya, ito’y maling-mali. Para sa akin, ngayong nasa ICC na ang kaso, hintayin na lang natin ang kahihinatnan ng paglilitis.
- Latest