Kulang sa pansin
Aktibo ako sa social media tulad ng Instagram at YouTube. Itinatampok ko ang sari-saring kabuhayan sa ating bansa, kultura pati na rin ang pang-araw-araw na buhay ng mamamayan. Kung may pagkakataong makatulong, ginagawa ko.
Sa madaling salita, pawang maaayos ang aking itinatampok. Hindi ako nananakot, hindi gumagawa ng kalokohan at walang katuturan o anumang bagay na walang lugar sa buhay.
Pero may mga vlogger na ang laman ng channel ay puro kalokohan, nakakaperwisyo na sa buhay ng mga tao at may nakakatakot pa na ang pangunahing hangarin ay para makarami ng views, likes, shares at subscriptions.
Halimbawa nito ay ang Russian na si Vitaly Zdorovetskiy na may YouTube channel na may higit 10 milyong subscribers.
Dumating si Zdorovetskiy sa bansa at sinimulan na ang kalokohan tulad ng pag-agaw ng sumbrero ng guwardiya, kunwari nanakawin ang scooter at nananakot ng mga babae.
Meron pang tinakot na nanakawan at may minura dahil naka-face mask. Merong dumampot ng electric fan mula sa isang kainan at dinala sa kanyang kuwarto sa Shangri-La Hotel BGC. Mukhang may pera siya dahil doon pa kumuha ng kuwarto. May binastos pa umano si Zdorovetskiy sa Boracay at nais siraan ang hanapbuhay.
Inaresto siya ng mga awtoridad at nahaharap sa kasong cybercrime, unjust vexation at pagnanakaw. Ipade-deport umano siya. Pero dapat umandar na muna ang kaso laban sa kanya bago palayasin. Dapat makulong sa bilangguan tulad ng New Bilibid Prisons.
Hindi puwedeng umiral ang kaugalian ni Zdorovetskiy para lamang sumikat sa social media. Pinagsasamantalahan niya ang mabait na ugali ng mga taga-Asya. Mabuti at walang nakatapat na maangas din at pumalag sa mga kalokohan niya.
Sana may nakatapat siyang pulitiko na may mga bodyguard. Ganunman, kailangang humarap siya sa hustisya. Dapat siyang makulong at kung palalayasin man, hindi na dapat makabalik.
Ang nakikita kong problema ay sisiraan niya nang husto ang Pilipinas. Samantala, hinahanap na rin ang Pilipino na kumuha ng kanyang mga video. Hindi magagawa ni Zdorovetskiy ang mga kalokohan kung walang hahawak ng camera, kaya baka kasuhan din ang kumuha ng video.
Ewan ko ba kung bakit may Pilipinong nakuha pang tulungan si Zdorovetskiy na kalokohan at kabastusan naman ang ginagawa sa mamamayan.
Maraming katulad ni Zdorovetskiy ang may YouTube channel na ganyan ang ginagawa. Pero sa aking pagkakaalam, nagsasawa na ang maraming bansa, partikular sa Asya sa mga taong gaya ni Zdorovetskiy.
- Latest