Ipagdasal si ‘Lolo Kiko’
Nang magtungo sa Pilipinas si Pope Francis noong Enero 15, 2015, binansagan siya ng mga Pilipino ng pangalang “Lolo Kiko”. Ngayon, nasa malubhang kalagayan ang pinuno ng Iglesia Katoliko Romano dahil sa double pneumonia at ayon sa medical advisory ng Vatican, mas kritikal ang kalagayan niya ngayon.
Ano man ang ating relihiyon, ipanalangin natin ang mabilis na paggaling ng Papa. Hindi komo kakaiba ang pananampalataya ay hindi na siya dapat ipanalangin ng mga nasa ibang pananampalataya.
Nagtataka lang ako kung bakit ilang buwan bago maratay sa sakit, may mga pekeng balita sa YouTube na hinirang na ni Pope Francis ang kapalit niya sa katauhan ng ating Cardinal Luis Tagle.
Sinasabi na nagbitiw na sa tungkulin ang Papa at ang ibig niyang humalili sa kanya ay si Tagle.
Alam mo agad na fake news ito. Kasi ang malaking balita tulad ng pagbibitiw ng Papa ay hindi palalampasin ng mainline media. Isa pa, ang pagtatalaga ng bagong Pope ay pinagbobotohan ng college of cardinals at hindi Papa ang nagdedesisyon.
At bakit parang may nalalaman ang sinumang nagpapaskel ng fake news sa isang conspiracy para mapalitan ang Papa? Nakapagtataka lang talaga. Sana ay nagkakamali ako ng hinala.
Ipagpatuloy natin ang panalangin para gumaling si Pope Francis.
- Latest




















