Teenager sa U.K., inaresto nang magpanggap na doktor!
Isang 13-anyos na teenager sa Plymouth, U.K. ang inaresto matapos siyang magpanggap na doktor sa Derriford Hospital.
Ayon sa mga saksi, dumating ang teenager sa ospital umaga ng January 19. Bagamat hindi malinaw kung saang bahagi ng ospital siya nakapasok o kung nagkaroon siya ng pagkakataong makalapit sa mga pasyente o medical records, agad na nagduda ang mga hospital staff sa kanyang kilos at hitsura.
Dahil dito, agad na inalerto ng security staff ng ospital ang mga pulis.
Bandang 10:30 ng umaga, dumating ang mga pulis mula sa Devon at Cornwall Police upang imbestigahan ang sitwasyon.
Matapos makumpirma ang pagpapanggap ng teenager, agad itong inaresto.
Bagamat naaresto ang teenager, kalaunan ay pinakawalan din ito matapos suriin ng pulisya ang sitwasyon.
Sa halip na kasuhan, nagpasya ang mga awtoridad na pagsabihan ito at ipasailalim sa intervention sa ilalim ng Child Centred Policing Team.
Ayon sa pahayag ng Devon at Cornwall Police, hindi na ipagpapatuloy ang anumang legal na aksyon laban sa teenager. Sa halip, tututukan ang paggabay dito upang maiwasan ang ganitong insidente sa hinaharap.
Ang ganitong uri ng pagpapanggap ay hindi na bago.
Sa nakalipas na mga taon, may ilang insidente na rin ng mga menor-de-edad na nagpapanggap bilang mga propesyonal sa iba’t ibang larangan.
Sa ilang kaso, ito ay maaaring dulot ng labis na paghanga sa isang propesyon, habang sa iba naman ay simpleng pagkakaroon ng curiosity o kagustuhang maranasan ang isang bagay na hindi pa naaabot sa kanilang edad.
Dahil sa insidenteng ito, nagsagawa ng mas mahigpit na seguridad ang naturang ospital upang maiwasan ang ganitong klase ng panloloko.
Sa ngayon, bagamat walang malubhang naging epekto ang insidente, nagsilbi itong paalala sa mga awtoridad at institusyon tungkol sa kahalagahan ng masusing pagbabantay kung saan ang seguridad ng mga pasyente at empleyado ay pinakamahalaga.
- Latest