Palaban na si Sara
HINDI na nagpatumpik-tumpik pa si Vice President Sara Duterte nang sabihin na huhukayin niya ang labi ni dating President Ferdinand Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani at itatapon niya sa West Philippine Sea (WPS).
Ito raw ay gagawin niya kung hindi siya tatantanan ng mga batikos mula sa kampo ni President Ferdinand Marcos Jr.
Naging palaban na si Sara dahil nga sa walang tigil na pag-atake sa kanya mula sa mga kakampi ni BBM.
Isa sa mga nabanggit ni Sara ay si House Speaker Martin Romualdez na may pangarap na tumakbong Presidente sa 2028 elections.
Ang tahasang pagsabi ni Sara na huhukayin niya ang mga labi ni dating President Marcos Sr. at itatapon sa WPS ay may kaugnayan sa katotohanang ang tatay ni Sara na si dating President Rodrigo Duterte ang nagpalibing sa dating diktador.
Palihim na inilibing si Marcos Sr. noong Nobyembre 18, 2016, makalipas ang 27 taon mula nang mamatay sa Honolulu, Hawaii noong Set. 28. 1989 sa edad na 72.
Ginawa ni Duterte ang pagpapalibing kay Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani sa kabila na maraming mamamayan ang hindi sang-ayon dito. Ayaw ng madlang people na mailibing sa Libingan ng mga Bayani ang diktador.
Maraming tao ang kontra rito ngunit ipinagpatuloy pa rin ni Digong.
Ang palaban na sinabi ni Sara ay sinabi lang naman niya sa kanyang best friend forever (BFF) na si Senator Imee Marcos, kapatid ni BBM.
- Latest