EDITORYAL — May basura kahit saan kaya may mga sakit
ANG paglaganap ng leptospirosis at dengue ay isinisisi sa maraming basura. Nang bumaha sa Metro Manila noong Hulyo 24 dahil sa habagat at Bagyong Carina, lumutang ang maraming basura. Nang humupa ang baha, nagkalat sa kung saan-saan ang basura. Ang basura ang dahilan kaya maraming daga na ang dumi at ihi ay humalo sa baha nagdudulot ng leptospirosis. Tumaas ang kaso ng leptospirosis, dalawang linggo makaraan ang baha. Tinamaan ang mga lumusong at naligo sa baha.
Baha at basura rin ang dahilan kaya tumaas ang kaso ng dengue. Maraming lamok ang nangitlog sa tambak ng basura. Marami ring nangingitlog sa mga tapyas ng gulong, plorera at mga botelyang walang laman. Sa rami ng mga nakatambak na basura, maraming lamok na may dengue ang naghasik ng lagim.
Kamakalawa, hinikayat ni Presiddent Ferdinand Marcos Jr. ang local government units (LGUs) na magpatupad ng mga hakbang para mabawasan ang basura upang maprotektahan ang kalusugan ng mamamayan. Sa talumpati ni Marcos sa Second Local Governance Summit 2024, sinabi ng Presidente base sa datos ng Department of Health (DOH) na ang dahilan sa pagtaas ng mga kaso ng leptospirosis at dengue ay dahil sa hindi maayos na pagtatapon ng basura.
Tama ang Presidente sa kanyang sinabi sapagkat maraming mamamayan na walang disiplina sa pagtatapon ng basura. Isang halimbawa na lamang ay ang mga informal settlers na ang ginagawang basurahan ay estero. Tapon nang tapon ng single-use plastic. Dahil naipon sa estero, hindi na makadaloy ang tubig at ang resulta ay baha. Kung maayos ang pagtatapon ng basura, walang mararanasang pagbaha. Ang basura rin ang dahilan kaya nasira ang pumping stations.
Dapat lang na ang LGUs ang magsimula ng mga hakbang para maisaayos ang pagtatapon ng basura at nang hindi humantong sa mga estero, nagbabara at nagiging dahilan ng baha.
Ayon sa report ng DENR, 61,000 metrikong tonelada ng plastic na basura ang itinatapon araw-araw at 24 percent sa mga basurang ito ay single-use plastic. Sabi ng DENR, lalangoy sa plastic ang Metro Manila kapag hindi nasawata ang paggamit ng mga plastic.
Isang paraan para malutas ang problema sa plastic waste ay ang pagpapalakas sa mga ordinansa ng local government units (LGUs) na nagbabawal sa pagtatapon ng basura sa mga estero at iba pang daanan ng tubig. Bigatan ang parusa sa mga mahuhuling magtatapon. Kung hindi maghihigpit, lulubha pa ang problemang baha sa MM. Gawin sana ito ng LGUs.
- Latest