EO 62: Panlaban sa cartel at smugglers
Nakakadismaya si dating Magsasaka Party List Argel Cabatbat. Masama raw sa farmers ang pagpapababa sa taripa sa mga agri products gaya nang itinatadhana ng EO 62. Ibig niyang maging selective ang EO 62 gayung may mga pangangailangan din tulad ng mais na pagkain ng manok at hayop. Imbes na magpaliwanag, kinuwestiyon niya kung bakit si NEDA Secretary Arsenio Balisacan ay nakipag-usap sa Vietnamese farmers imbes sa mga Pilipinong magsasaka.
Aniya, bago pa man ang EO 62, bumagsak ang presyo ng palay at sinabing ito ay pruweba na walang control ang gobyerno sa presyo ng palay dahil hawak ng mga kartel. Sa pag-address sa inflation sumasang-ayon daw siya sa solusyon ni House Speaker Martin Romualdez.
Hindi sinagot ni Cabatbat kung ang mga smuggler ay maaaring gamitin ang mga mahihirap na magsasaka para tutulan ang pagbaba sa taripa. Sa halip, ibinalik niya ang kanyang banat na kailanman ay ‘di kinunsulta ng NEDA ang sektor sa pagsasaka. Walang datos si Cabatbat sa kanyang mga sagot.
Bakit pinatatanggal niya ang mais sa kanyang anti-EO 62 position? Napakahalaga sa produksyon ng manok at iba pang hayop ang mais. Ginagamit ito bilang pagkain ng hayop ng mga lokal na prodyuser. Ayon sa Philippine Statistics Authority, noong Hunyo 2024, ang imbentaryo ng mais ay umabot sa 750.76 libong metriko tonelada. Ito ay taunang pagbaba ng 15.3 porsyento mula sa dating 886.46 libong metriko tonelada noong 2023. Kailangang 10 milyong metriko tonelada ng mais para sa pagkain ng hayop kada taon at ang ating mga magsasaka ay maaaring makapagtanim lamang ng 50 porsiyento.
Paalaala kay Cabatbat, kung mag-aakusa dapat may ebidensya at datos lalo pa’t hinggil sa mga kartel ng bigas. Kung wala, walang saysay ang usapan.
Di dapat balewalain ang posibilidad na ginagamit ng smugglers ang ating mga magsasaka. Kung patuloy na mataas ang taripa, ang smugglers ay gagawa ng ceiling upang bumaba ang halaga ng kanilang kalakal. Walang kompetisyon sa mga legal na importer at ating lokal na mga producer ng bigas at iba pang butil.
Ang smugglers ay hindi nagbabayad ng buwis kaya puwedeng todo-todong magbagsak ng presyo. Kaya suma-total, mga magsasaka ang magdurusa. Pero ang kalidad ng ipinakakain sa tao ng mga hinayupak na smugglers ay kuwestiyonable. Kailangan ng ating bansa ang tuluy-tuloy na suporta para sa ating mga lokal na industriya. Sa harap ng mga ganitong kaduda-dudang pahayag, hindi ko maiwasang mag-esep-esep: ano kaya ang totoong motibo ni Cabatbat?
- Latest