Digmaang nuclear?
“MAD”. Sa Tagalog, “kahibangan”. Acronym ang MAD ng “mutual assured destruction”. Sa Tagalog, “katiyakan ng kapwa pagkawasak”.
MAD umano ang prinsipyo sa pag-iwas sa nuclear war. Nag-aatubili raw giyerahin ng bansang may nuclear arms ang kaparehong bansa dahil pareho silang madudurog.
Siyam na bansa ang may nuclear arms: America, Britain, France, China, Russia, Israel, North Korea, India, Pakistan.
Milyun-milyong mamamayan nila ang masasawi sa nuclear war. Buo-buong lunsod ang magigiba. Masisira ang mga likas na yaman. Hihinto ang kalakalan. Gutom, karalitaan at sigalot at kauuwian.
Pero walang kasiguruhan na pipigilan sila ng prinsipyong MAD.
Depende ‘yan sa pinuno, ang presidente o prime minister. Maari itong baliw o walang puso.
Pinapatay ni North Korean President Kim Jong Un ang sariling kuya, para maagaw ang poder. Ipapamana sana ng amang Kim Jong-il ang trono sa panganay na lalaki. Pero paboritong apo si Kim Jong Un ni Kim Il-sung, unang komunistang diktador nila.
Pinalaking sakim si Kim Jong Un. Mahigit 250 square meters, puno ng laruan, ang personal playground niya. Ngayong presidente na, nuclear missiles ang laruan niya. Pinahahagingan ang Japan at U.S. military base sa Guam.
Maaring matino ang pinuno, pero aksidenteng masimulan ang nuclear war. Namuntikan nga ‘yon nu’ng Okt. 5, 1960, ulat kamakailan ng The Union of Concerned Scientists.
Na-“detect” umano ng early warning radars ng US nuclear command center na may malakihang pag-atake. Mula raw ito sa Russia, 99.9%. Ilang segundo na lang ay pipindutin na sana ng U.S. president ang button para magkontra-atake.
Tama na mula Russia ang signals. Pero mali na missiles ‘yon. Mga sinag pala ng buwan ang sumisikat nu’ng minutong ‘yon.
- Latest