Killer ng mamamahayag arestado!
Naaresto na ang pumatay sa broadcaster na si Juan “Johnny Walker’ Jumalon sa Misamis Occidental. Naaresto ang suspect na si Julito Mangumpit. Malaki ang hinala ng pulisya na may nag-utos kay Mangumpit, para patayin si Jumalon sa loob ng kanyang bahay noong nakaraang taon. Sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, naniniwala silang may nag-utos para patayin si Jumalon. Malakas ang ebidensiya laban kay Mangumpit at tiyak ko pagdudusahan niya ito.
Ayon kay Fajardo, hindi lang si Jumalon ang pinatay ni Mangumpit kundi marami pa. Ang basyo ng bala na narekober sa bahay ni Jumalon ay kaparehas ng nakuha sa pinaslang na engineer sa Misamis Occidental. Ayon pa kay Fajardo si Mangumpit ay miyembro ng New People’s Army at walong outstanding warrants sa kasong murder, frustrated murder, direct assault at violation of RA 9165.
Nahuli na ang dalawang kasabwat ni Mangumpit noong Marso. Sa kasalukuyan, hindi pa malaman kung ano ang motibo sa pagpaslang kay Jumalon. Nakunan ng CCTV ang pagpasok ni Mangumpit sa bahay ni Jumalon at pinagbabaril ito habang nagpo-programa. Sa kanyang pagtakas, tinutukan din ni Mangumpit ang guwardiya sa gate ng bahay ni Jumalon.
Ayon kay Fajardo, si Mangumpit ay member ng guns-for-hire syndicate. Kaya may nagbayad talaga para ipapatay si Jumalon. Walang motibong makita na may hidwaan si Mangumpit at kasama niya vs Jumalon. Dahil dating NPA rebel, maraming lugar na maaring pagtataguan si Mangumpit.
Kaya lang minalas, dahil may dating kasamahan sa grupo na isinuplong siya sa kapulisan kaya nahuli siya. Ipinagkanulo siya ng mga kasamahang rebelde. Kaya parang tumama sa lotto ang testigo dahil mapupunta sa kanya ang P3.7 milyong reward sa pagkahuli kay Mangumpit.
- Latest