^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Sinalaula ang Chocolate Hills

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Sinalaula ang Chocolate Hills

Malamang na bawiin ng United Nations Educa­tional, Scientific and Cultural Organizations (UNESCO)­ ang pagkakadeklara sa Chocolate Hills sa Bohol na isa itong protected area. Kahiya-hiya kapag nangyari ito sapagkat ang Chocolate Hills ay isa sa mga pambihirang tanawin na dinarayo ng mga turista. Naitala na maraming dayuhan ang nagnanais mabisita ang Chocolate Hills.

Hindi na protektado ang lugar sapagkat unti-unti nang sinisira ng mga may-ari ng lupa para pagkakitaan. Dahil sa pagkagahaman, winawasak ang magandang tanawin. Wala nang iniisip ang mga may-ari ng lupa kundi ang pansarili lamang nila—kahit pa mawasak ang itinuring na mga Natural na Monumento.

Nabunyag noong nakaraang linggo ang itinayong Captain’s Peak Resort sa paanan ng Chocolate Hills sa bayan ng Sagbayan. Nilagyan ng cottages at malaking­ swimming pool. May bahagi ng Chocolate Hills na inuka para mailagay ang mga slides at iba pang-akit sa mga turista. Sinimulan umanong gawin ang Captain’s Peak Resort noong 2020. Nakakuha umano ito ng permit sa local government. Nagpatuloy na maipatayo kahit nasa kasagsagan ang COVID-19 at natapos noong nakaraang taon. Binuksan ito sa publiko noong Agosto 2023. Ang resort ay pagmamay-ari umano ng isang kapitan ng barko.

Nang kapanayamin ang manager ng Captain’s Peak na si Julieta Sablas, sinabi nito ay dalawa pang resort sa Chocolate Hills. Hindi lamang umano ang Captain’s Peak ang gumawa ng resort kundi may iba pa. May mas malala pa umano kaysa sa ginawa ng Captain’s Peak. Pinayagan naman umano sila ng local government na magtayo at hindi naman ni-require ang ECC na ibinibigay ng DENR. Ayon pa kay Sablas, sana makita ng mga kinauukulan ang iba pang itinayong resort.

Nakapanlulumo ang nangyaring ito sa Chocolate Hills na dahil sa pagkagahaman ay magagawang sirain ang kagandahan ng kalikasan. Dahil sa paghahangad, hindi na iniisip ang kahihinatnan. Ayon sa report ang dalawa pang resort ay ang Sagbayan Peak at Bud Agta.

Isinara na ang Captain’s Peak at ayon sa Senado, magsasagawa sila ng imbestigasyon ukol dito.  Ayon kay Sen. Nancy Binay na mamumuno sa imbestigasyon, nakakagalit at nakakadurog ng puso na may makitang resorts sa lugar na dapat ay pinoproteksiyunan ng gobyerno. Nakakagalit na inendorso pa raw ng Protected Area Management Board (PAMB) noong 2022 at 2023 ang development ng Captain’s Peak Resort.

Kalkalin ang mga naitayong resort. Panagutin ang mga nasa likod nang pagsira at pagsalaula sa Choco­late Hills.

vuukle comment

UNESCO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with