Sinaunang tao sa Borneo: siruhano na sa buto
Makapal ang gubat sa Kalimantan, Borneo. Nakatuntong sa daan-milyon taong pundasyong limestone mula sa corals. Nagkalat doon ang mga kuweba. Sa isa nu’n, Lubang Jeriji Saleh cave, ay may sinaunang painting sa pader, 40,000 taon na. Iginuhit ang “banteng”, uri ng ligaw na baka, gamit ang ochre o pulang clay. Gan’un katagal na pala ang sining sa Southeast Asia.
May mas kagila-gilalas pa ang natuklasan sa Liang Tebo cave, di-kalayuan sa una. Nahukay ng scientists ang pinakamatandang libingan sa SEA na may 31,000 taong kalansay ng tao, ulat ng Nature.
Sinuri ang kalansay ng batang lalaki. Wala itong kaliwang paa. Putol ang buto sa isang-katlong bahagi ng binti.
Sinuri ang pagkakaputol. Hindi ito aksidenteng ikinamatay ng lalaki. Sa linis at kinis ng pagkakatanggal, malaking ebidensiya na sinadya ito. Ibig sabihin, meron nang sinaunang siruhano ng buto sa pook. Mas matanda ng 24,000 taon na pala sopistikado ang paggagamot sa SEA. Pitong libong taon pa lang noon sinasabing umunlad ang medisina sa Europe.
Pinutol ang paa ng lalaki nu’ng bata pa. Nabuhay ito nang 6-9 taon pa. Sa tabi ng bungo sa libingan ay may pirasong red ochre. Pintor kaya siya? Kinalap ang mga nahukay nina lead excavator Dr. India Ella Dilkes-Hall at lead researcher Dr. Timothy Maloney.
May mga katangi-tanging tubo ng buto ang mga natirang bahagi ng kaliwang tibia at fibula ng kalansay. Katulad ito ng mga buto ngayon ilang taon matapos putulin sa modernong ospital, ani Maloney sa Economist. Lumalabas na tagumpay ang sinaunang orthopedic surgery, at nang humilom ay naging bahagi ng lipunan ang amputee.
Malamang may detalyadong kaalaman noon sa human anatomy at paghawi ng tissues, veins, arteries at nerves. At para kontra impeksiyon, malamang umasa sa mayabong na halamang antiseptic, ani Dilkes-Hall.
- Latest