Occ. Mindoro: brownout capital of the Philippines
TATLUMPUNG taon nang dumadaing ang 32,000 pamilya sa Occidental Mindoro na magkaroon nang maayos na serbisyo mula sa Occidental Mindoro Electric Cooperative (Omeco).
Subalit ang kanilang matagal nang karaingan ay hindi naririnig. Nananatiling “brownout capital of the Philippines” ang Occidental Mindoro. Paano’y 24 megawatts lamang ang naibibigay ng inutil na Omeco sa probinsiya.
Hinihiling ng mamamayan na dagdagan upang maabot ang 27 megawatts na kailangan pero hindi sila pinakikinggan. Kaya hanggang ngayon, nananatili sa kadiliman ang probinsiya.
Nagpahayag naman si Rep. Josephine Ramirez-Sato na sa mga susunod na buwan daw ay matutupad na ang matagal nang karaingan ng mamamayan. Magkakaroon na raw ng magandang serbisyo ng elektrisidad sa probinsiya.
Hindi maiwasang magkibit-balikat ang mga consumer sa pangakong ito. Ayon sa mga negosyante, nangangako na naman ang mga pulitiko dahil papalapit na ang 2022 elections. Ayon sa bali-balita, tatakbong gobernador si Sato.
Habang nag-iingay at nangangako si Sato, nakakabingi naman ang katahimikan ng mga opisyales ng probinsiya. O naghihintay lang sila sa kumpas ni Sato kaya wala silang pakialam sa pagdurusa ng kanilang mga kababayan na matagal nang sakmal ng dilim.
Hanggang kailan magtitiis ang mga taga-Occidental Mindoro sa inutil na Omeco?
* * *
Para sa suhestiyon: [email protected]
- Latest