EDITORYAL - Mag-ingat sa pulis na ‘utak pulbura’
Hindi pa nakababangon ang Philippine National Police (PNP) sa masamang imahe ay dinagdagan pa ng “utak pulburang” pulis na si Senior Master Sgt. Jonel Nuezca ng Paniqui, Tarlac.
Matindi ang ginawa ng pulis na ito, malapitang binaril sa ulo ang mag-inang Sonya Gregorio, 52, at Frank Anthony Gregorio, 25, na agarang ikinamatay ng mga ito. Ang ugat ng pamamaril ay ang pagpapaputok umano ng biktimang si Anthony ng “boga” o kanyong gawa sa PVC pipe. Nagsumbong umano ang anak na babae sa amang pulis sa ginagawang pagpapaputok ni Anthony. Pinuntahan ito ng pulis at sinapak at balak arestuhin. Pero niyakap ng inang si Sonya si Anthony para protektahan ito. At doon na nagsimula ang malagim na pangyayari. Binunot ni Nuezca ang baril at malapitang binaril si Anthony. Hindi pa nasiyahan, binaril din nito si Sonya.
Pagkaraang barilin ang mag-ina, walang anumang naglakad pauwi si Nuezca kasama ang kanyang anak na babae. Para lang siyang bumaril ng manok at iniwang kikisay-kisay.
Marami ang na-shock sa video ng pagpatay. Maski si President Duterte sa press briefing kamakalawa ng gabi ay hindi makapaniwala na gagawin iyon ng pulis. “Sira ang ulo ng putang-ina!’’ ito ang nasabi ng Presidente at ipinag-utos na bantayan ang killer na pulis at baka ito makatakas. Wala raw bail ang krimeng ginawa kaya dere-deretso na ito sa kulungan.
Nakakatakot ang mga ganitong pulis na “utak pulbura”. Kapag nakahawak ng baril ay gustong iputok agad sa kapwa. Nang makahawak ng baril si Nuezca ay umabuso. Tumapang dahil may baril.
Sa nangyaring ito, dapat maging maingat ang PNP sa pag-recruit sa mga magpupulis. Idaan sa neuro-psychiatric exam para makasigurong hindi sira ang ulo at may utak pulbura na gaya ni Nuezca.
Mag-ingat ang mamamayan sa mga pulis sapagkat marami pang katulad ni Nuezca. Maging mapagmatyag at baka ang kapitbahay na pulis ay utak pulbura pala. Sa halip na ito ang magpuprotekta ay siya palang magbabaon ng bala.
- Latest