Huwag pulitikahin ang sports
MAY nagbabalak daw na kasuhan ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee o PHISGOC dahil sinasabing malaking halagang ginugol sa pagdaraos ng Southeast Asian Games at hindi pagsusumite ng audited financial report. Nakakalungkot. Tingin ko, ginagamit ang isyu ng PHISGOC at SEA Games para madiskaril ang kandidatura ng kasalukuyang presidente na si Cong. Bambol Tolentino. Yes, malapit na kasi ang eleksyon ng POC.
Ang kanyang kalaban na si Jesus Clint Aranas ay isa sa mga nagdemanda. Itigil na sana ang pamumulitika. Hindi tamang sirain ang magandang accomplishments ng SEA Games at mga proyektong nasimulan para sa mga atleta at kabataang Pinoy.
Ang sagot naman ni Rep. Alan Peter Cayetano na dating namuno sa SEA GAMES Organizing Committee sa isyung hindi pagsusumite ng report: “Mapapahiya lamang kayo” . Tiniyak niyang kasalukuyan pang ginagawa ang financial audit at maisasapubliko lamang ito kapag kumpleto at tapos na.
Mahigit isang dekadang nawala sa international sports ang Pilipinas, muli tayong tiningala sa maraming palaro na nakopo natin ang kampeonato. Nakapagtayo tayo ng mga modernong pasilidad na maipagmamalaki sa ating mga kalapit na bansa. Naipagawa din ang Rizal Memorial Coliseum na ilang dekadang napabayaan; naitayo ng Clark City Athletics Stadium & Aquatics Center, pati Athletes Village na world-class ang kalidad.
Inihayag sa press conference na ang pondong P6 bilyon para sa SEA games ay hindi ibinigay sa PHISGOC lahat. P1.48 bilyon lamang ang direktang binigay sa PHISGOC ng PSC. Umabot pa ng halos 15 buwan bago matapos ang pag-release ng pondo sa PHISGOC. Ang P3 bilyon naman ay ibinigay sa Department of Budget and Management-Procurement Service (DBM-PS), samantalang ang P500 milyon ay ipinamahala sa POC, at ang P1 bilyon ay ginamit ng PSC.
Ayon kay PHISGOC Chief Operating Officer (COO) Ramon Suzara, nitong September 4, 2020 lang nila natanggap ang kabuuan ng pondong nilaan para sa gastusin ng SEA games. Ito ay sampung buwan matapos ang pagdaraos ng SEA Games. Dahil sa bagal ng release ng pondo, naantala din ang lahat ng proseso tulad ng liquidation at pag-audit. Iyan ang rason kung bakit wala pa ang audited report. Nilinaw din ni Suzara na bawat sentimo na binigay sa PHISGOC ay hindi nawaldas kundi nagamit ng tama.
- Latest