Lagot si Attorney (Huli sa 2 bahagi)
SIYEMPRE, tinalakay sa petisyon ang tungkol sa mga nauna nitong kasong kinakaharap at ang koneksyon nito sa kakayahan ni Romy na maging marahas at maltratuhin ang misis. Kumbaga ay hindi lang direktang tinukoy ni Atty. Payo na may punto ang kaso pero patunay ito na taliwas ang posisyon niya bilang abogado ni Romy. Kaya malinaw na nilabag niya ang panuntunan. Hindi rin kapani-paniwala na sumaklolo lang si Payo dahil naaawa siya sa tao at dala ng pangangailangan/emergency para agad makakuha ng TPO. Puwede naman na irekomenda niya ang ibang abogado para humawak ng kaso.
Para naman sa kasong immoralidad, hindi sapat ang pagbasura ng piskalya sa kasong adultery na isinampa ni Romy sa kanila ni Marilyn para makalusot si Atty. Payo sa disbarment. Katunayan ay inamin mismo ni Marilyn na nagkaroon sila ng lihim na relasyon. Kahit ang mismong misis ni Payo ay gumawa ng salaysay na ikinumpisal sa kanya ng lalaki ang tungkol sa relasyon nito kay Marilyn at ang pagkakaroon nito ng anak sa labas.
Bilang pagsunod sa panuntunan ay tinigil na dapat ni Atty. Payo ang pakikipagrelasyon kay Marilyn, hindi lang dahil kasal na ang babae kundi pati kliyente niya ang mister nito. Isa pa, hindi naman apektado ang kasong administratibo ng ibang kasong sibil o kriminal dahil ang iniimbestigahan lang dito ay kung angkop ang ginagawang kilos ng abogado bilang isang opisyal ng korte.
Hiwalay ang magiging takbo ng kaso. Ang tanong lang na kailangan ng kasagutan ay kung dapat ba na hayaan na magpatuloy siya bilang abogado o dapat na siyang tanggalan ng lisensiya. Ang abogado ang kailangan na magsumite ng ebidensiya para patunayan na tinutupad niya ang mataas na antas ng integridad at moralidad sa lahat ng oras.
Tunay na nilabag ni Payo ang Rule 15.03 at 7.03 ng Code of Professional Responsibility at nararapat lang na tanggalan siya ng lisensiya para hindi na siya magpatuloy bilang isang abogado (Hierro vs. Nava II, A.C. No. 9459, January 24, 2020.)
- Latest