Visiting Forces Agreement gaano kahalaga sa America
ANG United States ang bansang may pinaka-malaking armadong lakas sa abroad. Meron itong mga base militar sa Japan, South Korea, Europe, at mga protectorates na Diego Garcia, Puerto Rico, Guam at Pacific. Lahat ‘yan ay may Visiting Forces Agreements. Pati sa Pilipinas, kung saan inalis na ang mga base militar ng America, may VFA para mag-joint military exercises sa ilalim ng RP-US Mutual Defense Treaty.
Gaano kahalaga ang VFAs para sa America? Proteksiyon ‘yun sa mga sundalong Kano na lumabag sa batas at maharap sa husgado ng host-country. Isang probisyon ay espesyal na pagpiit sa US embassy o kampo militar. Tinitiyak pati titirhang kampo at pasilidad ng mga Kano.
Kapag may VFAs, napaplano ng US Army, Navy, Air Force, at Marines ang uri ng training at mismong mga batalyon at sasakyang pandigma na isasama. Pinipili nila sa Pilipinas ang mga pook para sa jungle warfare at survival, beach landings, at pagbomba ng mga isla at bahura. Pati guardsmen o militia ng bawat 50 states ng America ay dumadaan sa pagsasanay sa Pilipinas, lalo na sa anti-terrorism. Kapag nagkaka-aberya sa VFA, naaantala ang training schedules na maraming taon plinano; nagbubunggu-bungguan ang pagdating ng magte-training. Magastos, magulo at peligroso ito para sa America.
Binantaan ni President Duterte ang Washington na ibabasura niya ang VFA sa loob ng isang buwan kung hindi ibabalik ang US visa ni Sen. Bato dela Rosa. Bale-wala sa gusot ang mga nagsasabing Senado natin at hindi Presidente ang maaaring magbasura nito, o kesyo mawawalan ng oportunidad na pangkabuhayan ang mga Pilipino. Alam ng Kano na maaaring totohanin ni Duterte ang banta. Kaya titimbangin nila ito sa schedules ng training nila -- at sa imahe nila sa mundo. Kung ibalik ang visa ni Bato, maaring tuyain ang Washington na bumigay sa kaalyado pero mahinang bansa. Pati US Congress ay pupunahin ang White House, kaya maari maapektuhan ang reelection ni President Donald Trump.
- Latest