Notorious man, may puso rin
NAGSIMULA lamang sa isang simpleng paghingi ng tulong na makuha ang mga dokumento sa paaralang pinagkakautangan. May mas malalim pa palang pinagdadaanan ang 19-anyos na napadpad sa BITAG Action Center kamakailan.
Ulilang lubos, pinatay ang kanyang mga magulang ng adik na kapatid. May kapatid na babaeng dishwasher sa Laguna habang siya ang nag-aalaga sa maliliit pang kapatid.
Simple lang ang inilapit ni Rhona sa akin, matulungang makuha ang mga dokumento sa dating eskuwelahan. Grade 12 na sana siya ngayong pasukan.
Habang kausap ko siya, kakaibang habag ang naramdaman ko. Sa kanyang laki, hindi mo aakalaing 19-anyos na siya at makikita sa mga mata niya ang kagustuhang makabalik sa pag-aaral. Personal naming sinilip ang kalagayan ni Rhona at kanyang mga kapatid, walang ilaw at walang tubig ang kanilang bahay. Nag-iigib sa pinakamalapit na balon para sa kanilang panggamit.
Tumatanggap lamang ng labada sa mga kapitbahay kaya nakakatawid ng pang-araw-araw na pagkain para sa pamilya si Rhona. Lalo akong nadurog ng sinabi niyang masuwerteng makakain sila sa isang araw pero kadalasan ay wala.
Mga hinaing na bibihirang matanggap ng aming action center dahil karamihan ay mga taong inabuso’t niloko na gustong itabla namin ang laban.
Sabihin ng palaaway kami, o mga astig, mga brusko’t mga bastos. Pero isa lang ang sigurado’t totoo, marunong maawa at may puso rin ang tinatawag n’yong notorious na BITAG.
Hindi namin magagawang posible ang kahilingang inilapit ni Rhona kung hindi sa ora mismong pagtugon at pagtulong ng Caloocan City Hall. Nabigyan ng kaunting pinansiyal na tulong ang kanyang pamilya at maayos na trabaho ang mga nakatatanda niyang kapatid. Makakapag-aral na rin si Rhona ngayon mismong pasukan.
Salamat sa tiwalang ipinagkakaloob sa amin ng mga tulad ni Rhona. Hindi man nakilala ang BITAG sa larangan ng pagbibigay tugon sa mga kahilingan, buong kakayanan namin itong aaksiyunan.
Hindi kami nagpapakaplastik. Hindi rin kami pa-epal. Ang sinumpaang tungkulin ng BITAG ay ayon sa batas ng Lumikha – “ Defend the weak and the fatherless; uphold the cause of the poor and the oppressed. Rescue the weak and the needy; deliver them from the hand of the wicke.” (Psalm 82:3-4)
- Latest