Bukas ba o sarado?
KUMALAT sa Facebook ang sagutan ng mga opisyal ng MWSS at isang netizen, na nagpakila-lang matagal ding nagtrabaho sa ahensiya. Ayon sa netizen, kung bubuksan lamang ng MWSS ang tinatawag na bypass valve, tapos na raw ang problema at tatanggap na ang Manila Water ng tubig. Pero itinanggi ni MWSS Chief Regulator Patrick Ty na sarado ang valve, dahil kung talagang sarado, walang matatanggap na tubig ang Manila Water.
Ang bypass valve ang nagkokontrol ng tubig mula Angat Dam papunta sa Manila Water at Maynilad. Nasa 60 percent ang nakukuhang tubig ng Maynilad at 40 sa Manila Water. Pero paliwanag ng MWSS, dahil lumaki na ang populasyon ng lugar na sineserbisyuhan ng Manila Water, hindi na kinakaya ang 40 percent. Handa namang magbigay ng tubig ang Maynilad para makatulong sa krisis. Inutos na rin ni President Duterte na magpakawala ng tubig mula sa Angat Dam, para maibsan ang krisis.
Dahil sa social media nagsimula ang diskus-yunan, agad itong kumalat. Hindi rin nakapagtataka na marami ang pumanig sa netizen na tila naging “whistleblower” sa kasalukuyang sitwasyon, sa kabila ng pagtanggi at pagpaliwanag ng mga taga-MWSS hinggil dito. Pero nagtataka nga ako na kung El Niño ang dinadahilan para sa sitwasyon, bakit mataas pa ang tubig sa Angat at Ipo Dam? Madaling makita ito sa internet. Kung natutuyo na, bakit dito lang sa Metro Manila. Sa ulan lang ba umaasa ng tubig ang La Mesa Dam?
Tila napilitang alamin nang marami ang sistema ng mga dam at pagsuplay ng tubig sa Metro Manila. Mabuti na rin kung mas maraming mamamayan ang nakaaalam nito, dahil tayu-tayo rin naman ang makikinabang at maaapektuhan. Kung itutuloy ng Senado ang imbestigasyon sa krisis sa tubig, baka puwede nilang ipatawag ang netizen na nagsimula ng diskusyon, kung may maipaliliwanag din siya. Itanong na rin sa Manila Water at Maynilad ang bypass valve kung may katotohanan ang sinasabi ng netizen. Wala namang masama kung alam talaga niya ang sinasabi.
- Latest