Imee suportado ng League of Provinces
NAGPAHAYAG ng suporta sa senatorial bid ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos ang League of Provinces of the Philippines (LPP). Ang tinurang dahilan ng LPP ay ang namumukod tanging performance ng gobernadora upang mapagbuti ang kabuhayan ng mga mamamayan, lalo na sa mga kanayunan.
Maganda ang adbokasiya ni Imee. Itinutulak niya ang walang kondisyong pagpapalabas ng 40 percent share mula sa lahat ng pambansang buwis tungo sa mga local government units.
Kaya naman lumagda ng resolusyon ang LPP bilang suporta kay Imee na kumakandidatong Senador. Inilarawan si Imee na isang efficient at effective na local public official na makakapag-ambag sa ikatatamo ng adhikain ni President Duterte na gawing matatag at progresibo ang bansa.
Ang LPP, ay binubuo ng mga gobernador mula sa 81 lalawigan sa buong bansa. Naniniwala ang liga na maihahayag ni Imee nang epektibo ang kanyang adbokasiya. Makabubuti anila ito sa minimithing awtonomiya sa iba’t-ibang rehiyon ng bansa. Ang mga LGUs ay tumatanggap lang ng 16 percent mula sa national taxes sa halip na 40 percent. Hindi nga naman makatuwiran ito.
Si Imee ay isang lokal na opisyal at alam niya na ito ay kulang na kulang kaya dapat maragdagan mula 16 para maging 40 percent.
Katunayan, mayroon nang Supreme Court ruling para sa 40 percent IRA share ng mga LGU. Pero sa totoo lang, ang customs duties, excise tax, documentary tax at stamp tax ay tinatanggal sa computation ng IRA.
Ang mga lokal na opisyal ay takbuhan ng mga mamamayang may problema. Nararapat lang ng bigyan sila ng dagdag na pondo para makatugkn sa mga mamamayang pinaglilingkuran nila.
- Latest