EDITORYAL - Squatters ang dahilan kaya daming basura sa Manila Bay
NOON pa man, mga informal settlers o squatters na nasa baybay-dagat, pampang ng mga estero at ilog ang nagpaparumi sa kapaligiran. Dahil sila ang nakatira sa mga pampang, tapon na lang sila nang tapon sa dagat o estero. Hindi na sila lalayo pa para magtapon ng kanilang basura. Kaya hindi na nakapagtataka kung bakit hindi maubus-ubos ang mga nakalutang na basura sa dagat at sa mga estero.
Ang mga squatter sa Maynila ang nagpaparumi sa Manila Bay. Lahat nang mga basura na itinatapon nila sa mga estero, Pasig River at iba pang water ways, tatangayin lahat sa Manila Bay. Namumutiktik ang basura at aanurin ito patungo sa baybayin ng Roxas Boulevard. Makikita ang mga basurang ito ng mga namamasyal sa Luneta at maski ng mga nakatira sa condo. Makikitang sobra nang polluted ang Manila Bay at naaamoy pa ang karumihan nito.
Sinabi mismo ni DENR Sec. Roy Cimatu na ang mga informal settlers sa Maynila at iba pang lungsod at bayan na nasa paligid ng Manila Bay ang dapat sisihin kung sobra na itong polluted. Lahat umano ng basura ng mga nakatira sa dalampasigan ng Manila Bay at mga pampang ng estero ay humahantong sa dagat. Pinag-iisipan na umano ng kanyang tanggapan kung paano ire-relocate ang mga squatters. Makikipag-meeting umano siya sa local governments at iba pang ahensiya sa posibleng paglilikas ng mga squatters. Hindi raw simple ang gagawing pag-relocate pero sisikaping magawa ito. Makikipag-usap umano sila sa mga pamilyang nakatira sa mga baybayin ng Manila Bay at mga estero.
Matagal nang problema ito. Marami nang pinangako ang bawat administration na ililipat ang mga squatters. Pero lahat ay pawang sa salita lamang. Dahil sa ningas-kugon na ugaling ito ng mga namumuno, lalo pang dumami ang mga squatters at ang resulta, dumami pang lalo ang basura at sobrang naging polluted ang Manila Bay. Kawawang Manila Bay!
- Latest