Sira-ulo ang pinakasalan
(Huling bahagi)
PINAGBIGYAN ng korte ang petisyon ni Cristine at pinawalambisa ang kanilang kasal base sa kapani-paniwalang ulat ni Dr. Roman at sa kredibilidad ng impormasyong nakalap nito sa mga impormante. Seryoso, malubha at hindi raw magagamot ang psychological incapacity ni Gerald.
Nang umapela ang Solicitor General sa Court of Appeals ay nabaliktad ang desisyon. Hindi raw dapat binigyan ng halaga ng korte ang testimonya ni Dr. Roman dahil narinig lang daw ito at hindi maaring pagbatayan ng desisyon. Binigyang-diin din ng CA ang naging pag-amin ni Cristine na pinakasalan niya si Gerald sa kabila ng mga kapintasan nito at pagkatapos ng limang taon nilang relasyon, idagdag pa na maganda naman daw ang kanilang pagsasama noong umpisa.
Umapela si Cristine sa Supreme Court at binaliktad naman nito ang naging hatol ng CA. Ayon sa SC, hindi naman kailangan na personal na mapag-aralan ng psychiatrist ang isang tao para malaman na siya ay psychologically incapacitated. Sapat nang patunayan ng kabuuang ebidensiyang inihain na talagang may problema sa pag-iisip si Gerald. Nabuo ni Dr. Roman ang kanyang ulat base sa nakuha niyang pag-aaral sa ugali ni Gerald mula sa ipinakikita niyang ugali/kilos habang nagsasama sila ni Cristine.
Nalaman din ni Dr. Roman na ang naging ugat ng psychological incapacity ni Gerald ay ang naranasan niya sa ama na isang may diperensiya rin sa pag-iisip kaya nga hindi nakapagtataka na nagaya rin sa kanya si Gerald at nagkaroon ng double insanity na nakukuha ng magkamag-anak, magkaibigan, magsiyota o kahit pa sinong sobrang magkalapit sa isa’t isa. Dito ay malinaw na magkapareho ang ipinakikitang sintomas ni Gerald at ng kanyang ama.
Ang paulit-ulit na ginagawang pananakot/pagbabantay ni Gerald sa mga kapamilya at kaibigan ni Cristine para lang masolo ang pobreng asawa, pati ang kanyang pananakit o pagiging bayolente ay katibayan ng kanyang kawalan ng kamalayan sa totoong ibig sabihin ng kasal at ng kanyang papel bilang isang asawa. Isang kalupitan kay Cristine na patuloy pa siyang maging asawa ni Gerald. Ayon sa SC, nararapat lang na ipawalambisa ang kasal nina Cristine at Gerald (De la Fuente vs. De la Fuente, G.R. 188400, March 8, 2017).
- Latest