Suriin muna ang mga kompanya
NAKABUTI ang pagsibak ni President Duterte sa mga miyembro ng board ng Nayong Pilipino, pati na rin ang pag-aral sa anumang kontrata sa pagitan nila at ng Landing International Development. Unang lumabas ang balita na nawawala ang chairman ng kompanya na si Yang Zhihui mula pa noong Agosto 23. Dahil nga sa balita, bumagsak ng 35 porsyento ang presyo ng stock ng kanyang kompanya. Pero iginiit ng kompanya na patuloy ang kanilang operasyon, sa kabila ng paghanap sa kanilang chairman. Wala raw epekto ang pagkawala ni Yang sa operasyon ng kompanya.
Pero noong nakaraang Biyernes, lumabas ang balita na nahuli si Yang sa Cambodia. Nahaharap sa mga kasong panunuhol sa China, kaya agad siyang idineport ng mga awtoridad sa Cambodia. May pinatatakbo pa umanong investment scam. Kontrobersiyal naman pala itong taong ito, eh bakit nabigyan pa ang kanyang kompanya ng kontrata na magtayo ng resort-casino sa Nayong Pilipino? Hindi ba pinag-aralan muna nang husto ng Nayong Pilipino kung anong klaseng negosyante si Yang? May nagsabi na siguradong hindi na matutuloy ang nasabing proyekto.
Hindi na talaga puwedeng basta-bastang pinagkakatiwalaan ang sinumang negosyante, dahil lamang sa rami ng pera. Isa ring dapat bantayan ay ang mga kompanyang nais pumasok sa rehabilitasyon ng Marawi. Ilang blacklisted na kompanya mula sa China ang nais pumasok sa Marawi. Pero dahil nga sa pagkaka-blacklist, umaapela ngayon sa Task Force Bangon Marawi (TFBM) na payagan silang makapasok. Wala pang desisyon ang ahensiya.
Ngayon, may pumapasok na namang kompanya mula China. May negosasyon ngayon sa pagitan ng TFBM at ang Power China Corporation of the Philippines (PCPC). Batay sa imbestigasyon ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), maraming tanong at taas-kilay na sitwasyon ang PCPC. Sana pag-aralan at suriin nang husto ng TFBM, bago bigyan ng accreditation ang bagong kompanya. Hindi biro ang kailangang rehabilitasyon ng Marawi, kaya dapat kompanyang may tunay na kakayahang ayusin ang Marawi ang dapat lang payagan.
- Latest