EDITORYAL - Kailangan ang pulis sa kalsada
BIGO pa rin ang Philippine National Police (PNP) na maideploy sa kalsada ang kanilang mga miyembro. Sa kasalukuyan, walang nakikitang pulis na nagroronda sa mga kalsada. May mga nagpapatrulyang pulis na nasa mobile car pero animo’y taksing namamasada na nawawalang parang bula. Yung ibang mobile car makikitang nasa malapit sa mga food park at tila ang mga pagkain ang binabantayan. Yung ibang nasa mobile car, prenteng nakaupo at natutulog habang buhay ang makina at aircon. Tsk-tsk-tsk!
Paano makakaresponde ang mga ganitong pulis sa oras ng pangangailangan? Bago pa makarating sa lugar ng krimen, nakaeskapo na ang mga criminal. Mabuti na lang at may mga closed-circuit television camera sa maraming lugar kaya nakakatulong sa pag-identify sa mga criminal. Kung walang CCTV, paano mahuhuli ang mga salot ng lipunan? Sa estilo ng mga pulis na gusto lagi ay magpapahinga at matutulog, malayong mapagsilbihan ang mamamayan.
Kung hindi sa CCTV, hindi malulutas ang pagpatay sa lady special prosecutor ng Ombudsman. Hinoldap si Atty. Madonna Joy Tanyag ni Angelito Avenido sa Bgy. Vasra, Visayas Ave., Quezon City dakong 11:20 ng umaga. Bumili lang ng milk tea ang biktima at sasakay na sa kanyang kotse nang lapitan ni Avenido at holdapin. Nang manlaban ang biktima, sinaksak siya ni Avenido. Limang buwang buntis ang biktima. Dinala sa ospital ng mga concerned citizens pero namatay din. Tumakas si Avenido pero nakunan siya ng CCTV at iyon ang nagbigay ng lead para siya maaresto sa Bgy. Culiat dakong 5:30 ng hapon. Inamin ni Avenido ang krimen at inamin din na bangag siya sa shabu.
Kung may mga pulis na nagpapatrulya o nagroronda, hindi makakaporma ang mga tulad ni Avenido. Pero wala ngang pulis. Maaaring natutulog kahit araw. Nasa malamig na patrol car o saradong presinto.
Malaking hamon ito kay PNP chief Director General Oscar Albayalde. Maganda ang pagsorpresa niya sa mga natutulog na pulis sa kalaliman ng gabi. Pero subukan kaya niyang sa araw naman magsorpresang bumisita sa mga presinto. Baka mas marami siyang madakma.
- Latest