Vinideo na pinost pa!
OK lang na magmalasakit ang mga tauhan ng pamahalaan ng embahada o konsulada sa mga inaabusong OFWs. Ayos lang kung umaksyon para iligtas ang mga kababayang nanganganib kung ayaw makipagtulungan ng host country.
Pero kung may batas na nagbabawal sa ganitong operasyon sa alin mang bansa, gawin na lang sana ito nang disimulado. Hindi parang eksena sa pelikula na kinunan pa ng video.
Ganyan ang nangyari sa Kuwait na naging dahilan para arestuhin ng mga pulis sa bansang nabanggit ang dalawang Pilipinong tumulong sa rescue operation sa ilang inaabusong OFWs. Wala kasing diplomatic immunity ang mga naturang Pinoy kaya sila lamang ang inaresto. Pero lusot naman yung mga opisyal na mayroong diplomatic immunity.
Nakilala ang mga Pinoy rescuers dahil naka-video ang naturang operasyon. Eh bakit kasi vinideo na, ipinost pa sa social media! Napanood natin ito sa telebisyon at para tayong nanonood ng action film.
Isa itong malaking diplomatic faux-fax na pinoproblema ngayon ng administrasyon. Kaya nga hinihikayat ngayon ng ilang mambabatas ang Pangulong Duterte na ipagpaliban muna ang planong pagbisita sa Kuwait habang sariwa pa ang insidente. Plantsahin muna raw ang gusot.
Ayaw ko sanang mangyari pero may lumabag sa batas ng ibang bansa na dapat managot. Ang dapat gawin ng administrasyon ay tiyakin sa gobyerno ng Kuwait na mapaparusahan ang mga kawani ng pamahalaan na sangkot sa operasyong ito. Alam kong nagpakabayani sila pero nabisto nga ang operasyon eh at naghain ng diplomatic protest ang Kuwait sa Pilipinas.
Malaki ang dapat ipagpaliwanag ng embahador ng Pilipinas sa Kuwait na si Renato Villa. Mahirap niyang sabihin na wala siyang kinalaman sa insidenteng ito porke kinasangkutan ito ng mga kawani ng embahada.
- Latest