^

PSN Opinyon

‘Turistang walang papel’

CALVENTO FILES - Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

HINDI LAHAT NG TAONG nakabukas ang palad ay handa kang tulungan para makabangon.

“Huling kausap ko sa kapatid ko Disyembre pa. Hindi ko alam kung ano na nangyari sa kanya sa China. Nag-aalala ako dahil hindi na namin siya makontak,” pahayag ni Jimuel.

Kwento ni Jimuel Talento nagpunta ng China ang kanyang kapatid na si Liza Talento bandang Abril o Hulyo taong 2015 sa tulong  ng ilang tao na nakilala dito sa bansa.

Walang ahensyang humawak sa kanya rito sa Pilipinas. Pagda­ting sa Shanghai, China may taong tumulong kay Liza para makahanap ng trabaho.

“Ang pangalan ng ahensya niya ay Golden Luzon Business Consultancy. Ang pagkakaalam ko ang may-ari nito ay nag­ngangalang James,” sabi ni Jimuel.

Pinoy daw itong si James at minsan nang nakausap ni Jimuel. Nung una niya itong tinawagan ay sinabi niya sa kanya na i-text na lamang dito ang kanyang sadya dahil nasa Taiwan daw siya nung mga panahong yun.

Nagtataka naman si Jimuel dahil ang area code na nai-dial niya ay ang area code para sa China.

“Kinabukasan nag-text ako kaagad sa kanya. Pagkalipas ng isang araw tinawagan ko ulit siya pero hindi niya na sinasagot. Ring lang ng ring tapos magiging busy na ang phone niya,” kwento ni Jimuel.

Huling nakausap ni Jimuel ang kapatid na si Liza ay nung Disyembre 2015 pa. Wala raw itong employer nung mga panahong yun. Mula nun ay nawalan na sila ng balita dito.

Hindi nila alam kung ano ang naging kalagayan nito sa China at kung may employer ba ito doon o ibinalik sa dating pinagtatrabahuan.

Wala na ring alam na paraan sina Jimuel kung paano malalaman ang nangyayari kay Liza dahil nasa China ito at nasa Pilipinas sila. Kahit tawagan nila itong si James ay hindi naman nila ito makausap ng maayos. Minsan hindi raw gaanong marinig at madalas ay hindi ito sumasagot.

“Humihingi po ako ng tulong sa inyo na mahanap o makontak man lang yung kapatid ko,” ayon kay Jimuel.

Ibinigay niya sa amin ang ilang detalyeng nalalaman niya sa pag-alis ni Liza sa bansa. Maging kung saan siya pwedeng tawagan at ang isa pa niyang kapatid kung sakaling magkakaroon ng balita kay Liza.

“Maraming-maraming salamat po sa pagbibigay ninyo ng oras at sa pagtugon sa akin. Pagpalain po kayo ng Poong Maykapal,” wika ni Jimuel.

Nang makuha namin ang lahat ng impormasyong kinakailangan mula kay Jimuel ay nakipag-usap kami kay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA) kung anong hakbang ang maaaring gawin upang mahanap itong si Liza.

Nakipag-ugnayan naman si Usec. Seguis sa ating embahada sa China para matingnan ang problemang ito tungkol kay Liza.

Nakatanggap naman kami ng tugon mula kay Consul General Wilfredo Cuyugan. Tinawagan daw nila itong si James at ayon dito ay hindi niya kilala si Liza.

Agad silang nakipag-usap kay Jimuel at ipinaalam kung ano ang nangyari sa kanilang pag-uusap. Hiningan din siya ng kopya ng pasaporte ni Liza, employment contract at visa page.

Makalipas ang ilang araw may report kaming natanggap mula kay Consul General Cuyugan na tinawagan sila ni Jimuel upang ipaalam na tumawag sa kanya ang kapatid. Ibinigay niya sa embahada ang telephone number nito.

Agad namang tinawagan ng ATN officer si Liza at napag-alamang ang hawak nito ay pasong tourist visa at iligal na nagtatrabaho sa China sa loob ng dalawang taon.

Ni-recruit siya ng isang nagngangalang James at nagtrabaho bilang “Ayi” o Household Service Worker (HSW) sa Shanghai sa loob ng isang taon.

Lumipat siya sa Nanjing, Jiangsu at isang taon na siyang nasa lugar. Ayon pa kay Liza Nung Hunyo 2016 ay plano niyang bumalik ng Shanghai at kunin ang ipon niya kay James.

Wala raw siyang mobile number at hindi pwedeng lumabas ng bahay maliban na lang kung magtatapon ng basura. Kung makakalabas man daw siya wala naman siyang sapat na pamasahe para makabalik ng Shanghai.

Tuwing linggo ay umaalis ang kanyang employer. Kinausap siya ng ATN Officer at pinayuhan na kung sakaling may mangyari ay maaari siyang tumawag sa istasyon ng pulis ngunit pinaalalahanan din siya na maaari siyang ma-detain dahil sa iligal na pagtatrabaho at pannanatili sa lugar.

Pinayuhan din siya na bumalik na lamang ng Pilipinas at itigil ang pagtatrabaho ng iligal dahil labag ito sa batas ng kinaroroonang bansa.

Tinawagan din ng ATN Officer si Jimuel upang ipaalam ang na­ging pag-uusap nila ni Liza. Maging ito ay nagulat na dalawang taon na itong nasa China. Ang akala niya ay kelan lang ito umalis para magtrabaho doon.

Pinayuhan din si Jimuel na kausapin ang kanyang kapatid na itigil ang pagtatrabaho dahil sa huli ay kakailanganin niya munang ma-detain bago siya mapabalik ng bansa.

Noong Mayo 26, 2016 nakatanggap ng impormasyon ang Post mula sa Jiangsu Provincial Public Security Bureau na si Liza ay na-detain noong Mayo 23, 2016 dahil sa ‘overstaying’.

Nakapasok siya sa pamamagitan ng Shekou Port noong Abril 22, 2014.

Tumawag naman ang Post’s interpreter sa Nanjing PSB at napag-alaman nilang kasalukuyang iniimbestigahan si Liza sa iligal na pagtira sa lugar. Tatagal daw ito ng halos 30 araw o depende sa magiging imbestigasyon.

Nangako naman ang embahada na tututukan nila ang kasong ito ni Liza.

Kaya may 30 days dahil aalamin pa kung sino ang employer niya na kumuha sa kanya kahit ‘tourist visa’ ang kanyang hawak. Pati yun malalagay sa alanganin.

Maging babala na rin sana ito sa ating kababayan na gustong mangibang bansa. Hindi lahat ng taong mag-aalok sa inyo ng tulong ay legal pagdating sa inyong pupuntahan. Madalas makakuha lang sila ng pera sa inyo ay pababayaan na kayo pagdating sa inyong pupuntahan.

Mas magiging mahirap din sa embahada at sa inyong pamilya na kayo’y tulungan kung may nilalabag kayong batas doon.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Hotline: 09198972854

Tel. No.: 7103618

SUPERBUG

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with