Killer drugs kill the nation
TALAGANG dapat gawing prioridad ni President-elect Digong Duterte ang pagsugpo sa bawal na droga na nagdulot ng napakalaking perhuwisyo sa mga kabataan tulad ng kanyang ipinangako. Wake up call ang naganap na magkakasabay na pagkamatay ng mga kabataan na bigla na lamang hinimatay at nalagutan ng hininga sa isang concert kamakailan sa Mall of Asia.
At bakit nga hindi masugpu-sugpo ng pamahalaan ang problema sa droga? Kasi, may mga mandato na sumugpo nito pero mga bantay salakay. Ibig sabihin, kunwa’y pagpuksa sa illegal na droga ang misyon nila pero nakikipagsabwatan sa mga drug lords. Sabi nga ni Duterte sa isang biglaang panayam, yung heneral na yumaman na dahil sa droga ay mabuti pang magbitiw na ngayon dahil hindi siya sasantuhin.
Sabi nga ng kaibigan natin at kolumnistang si Doc Willie Ong, “Drug abuse can kill”. Hindi lang pumapatay kundi sumisira ng buhay. Yung mga kabataang lulong sa droga ay pinapanawan na ng bait at kung anu-anong buktot na krimen ang nagagawa. Kaya nga ang problemang ito ay malaki ang pananagutan sa kaunlaran ng bansa. Paano mo mapapaunlad ang kabuhayan kung ang human resources ng isang bansa ay winawarak ng droga?
Kaya tama lang na gawing prioridad ni Duterte sa sandaling siya ay maluklok sa tungkulin na pagtuunang pansin muna ang pagsasaayos sa peace and order sa bansa na ang unang-unang sumisira ay ang mga mangangalakal ng droga. Naturingan nga na ikinukulong ang mga drug lords, pero sa loob mismo ng kulungan ay nakapagtatayo sila ng pabrika ng shabu. At paanong mangyayari ang ganyan kung hindi nila kasosyo sa kanilang karumaldumal na negosyo ang mga namamahala ng bilangguan?
Kaya ang plano raw ni Digong ay masinsing pagbalasa sa National Penitentiary at gayundin sa buong ahensyang nagpapatupad ng batas.
Sana, hindi lang “alimuom ng labi” ang tinuran ni Duterte dahil marami ang umaasa at uhaw sa mga ipinangako niyang pagbabago.
- Latest