Salamat, Commissioner Lina
MAYROONG magandang katangian si Bureau of Customs Commissioner Bert Lina. Siya ay nakikinig sa mungkahi at paliwanag.
Noong kainitan ng isyu sa Balikbayan box, ako at si Roy Seneres, Jr. (RJ) bilang pangulo ng OFW Family Club ay naipakita kay Lina.
Ipinaliwanag namin sa kanya ang hirap na dinaranas ng mga OFW na nagpapaalipin sa ibang bansa para mabigyan lamang ng magandang buhay ang kanilang pamilya.
At para makapagpadala ng Balikbayan box ang isang OFW, magtitipid siya sa gastos. Kung ilang buwan siyang nag-ipon para makapagpadala siya ng paboritong spiced ham o corned beef ang kanyang mga anak, at imported na kape para sa kanyang mister.
Pinag-ipunan din niya ang biniling branded jeans at sapatos pati na ang ibang gamit ng kanyang pamilya. Nais ipadama ng isang OFW sa kanyang pamilya ang “the good life” sa bansang kanyang kinaroroonan.
At para maging lubos ang kaligayahan ng pamilya ng OFW, iminungkahi namin kay Lina na sa halip na P10,000 lamang ang libreng produkto na maaring ipadala ng OFW, ay gawin itong P150,000. Iminungkahi namin ito sa Congress na agad napagtibay.
Kaya sa ngalan ng mahigit 10 milyong OFWs na matatagpuan sa 190 bansa, ang mataos na pasasalamat ng OFW Family partylist at OFW Family Club kay Lina dahil sa kanyang malaking tulong para maging P150,000 ang halaga ng libre sa buwis na Balikbayan box na maaring ipadala ng OFW.
Malaking bagay ang ginawa ni Lina dahil tatagal ng ilang linggo o buwan ang padalang pagkain ng isang OFW sa pamilya.
Malaki ang matitipid ng pamilya at hindi rin mababayaran ang kaligayahang kanilang nadama dahil sa pamamagitan ng padala ni tatay o ni nanay, pawang imported ang kanilang kinakain sa loob ng ilang linggo.
Muli, maraming salamat sa ginawa mong tulong sa ating modern day heroes Commissioner Lina.
- Latest