EDITORYAL - Ang MRT at ang ‘tuwid na daan’
BINULAGA ang mga pasahero ng Metro Rail Transit (MRT) noong Enero 6, 2015, nang walang kaabug-abog na itinaas ang pamasahe ng 50 percent. Walang nagawa ang tinatayang 500,000 commuters ng MRT kundi tanggapin ang pagtataas. Marami pa rin ang naging positibo na baka sa pagtataas ng pamasahe ay magkaroon ng pagbabago sa serbisyo. Bakasakaling hindi na sila pipila nang pagkahaba-haba araw-araw. O baka hindi na ito titirik habang nasa kalagitnaan ng biyahe at hindi na rin mawawalan ng preno at kakawala ang bagon sa riles dahilan para masugatan ang karamihan sa kanila.
Pero lumipas ang isang taon, walang nakitang pagbabago sa MRT at lalo pang nabulok ang serbisyo nito. Hanggang ngayon, patuloy ang kanilang kalbaryo sa pagsakay sa bulok na MRT. Wala naman silang magawa. Kahit pa murahin nila nang murahin ang pinuno ng DOTC na nakakasakop sa MRT, wala ring epekto. Wala nang pakiramdam ang taga-DOTC.
Noong nakaraang taon, hindi mabilang ang mga aberyang kinasangkutan ng MRT pero walang ginagawang aksiyon ang pamahalaan. Kahit araw-araw na binabatikos sa diyaryo at radyo ang DOTC, walang aksiyon. Dedma lang.
Anim na buwan na lamang sa puwesto ang kasalukuyang administrasyon at wala pa rin silang magawang kapaki-pakinabang para mapaganda at mapagaan ang pagbibiyahe ng mga tumatangkilik sa MRT. Taliwas ang nangyayari sa “tuwid na daan” na ibinabando ng administrasyon. “Baluktot na daan” ang nakikita at nilalandas dahil sa kahinaan ng pamamahala sa MRT. Kinawawa ang mga pasahero sa araw-araw na nararanasang bulok na serbisyo.
- Latest