7 sindikatong kriminal nagbubuhat sa Bilibid
NU’NG kalagitnaan ng 2015 binaril-patay ng isang bilanggo sa National Bilibid Prisons sa Muntinlupa ang lider ng kalabang gang. At nu’ng katapusan ng taon natiklo ang isa pang gang leader at kapatid niyang babae sa kidnapping for ransom ng isang Chinese-Filipino businessman. Dalawa lang ‘yan sa mga malalagim na krimen na isinakatuparan ng mismong mga convicts habang umano’y naka-rehas.
Idagdag pa rito ang malakihang bank robbery sa Pangasinan nu’ng Pebrero 2013, pag-assassinate kay NBI special agent John Herra nu’ng Abr. 2013, at pagdukot sa isang Chinese national nu’ng Hunyo 2014. Lahat ‘yan ay kagagawan din ng mga “taga-loob.”
Nu’ng Hulyo 2014 pa iniulat ng Armed Forces intelligence ang kagimbal-gimbal na anomalya. Isa sa bawat limang malalaking krimen sa bansa ay pinlano mula sa NBP. Ito’y dahil nakakapag-operate bilang sindikatong kriminal ang mga convict gangs doon. Nangyayari ‘yon dahil nagpapasuhol sa convicts ang mga prison guards, wardens, at opisyales mismo ng Department of Justice at Bureau of Corrections.
Ayon sa ulat, pitong pinaka-karumal-dumal na krimen ang ginagawa ng mga sindikato: (1) narco-trafficking, (2) murder-for-hire, (3) kidnapping for ransom, (4) bank robbery, (5) protection racket, (6) illegal gambling, at (7) money laundering. Kasapakat nila ang mga opisyales. Kliyente nila ang mga mapupusok na politiko at negosyante.
Malamya ang naging aksiyon ng dating mga opisyales laban sa crime syndicates sa loob. Mas masigasig sina bagong Justice Sec. Benjamin Caguioa, BuCor Dir.-Gen. Ricardo Reinier Cruz III, at NBP warden Richard Schwarzkopf. Pero napakalala na ng problema. Naka-sampung raids na sila sa mga selda ng convicts at opisina ng mga kasapakat na guwardiya. Ilang mahahaba at maiksing baril, bala, granada, cell phones, at lutuan ng droga ang nasabat nila. Pero hindi pa nila ito nauubos. Patuloy pa rin ang mga sindikato.
- Latest