Labu-labo ng 5 prexy bets
NANGYARI na ang inaasahan ng marami. Pinili ng PDP-LABAN si Davao City Mayor Digong Duterte na kapalit ng umatras nitong presidential bet na si Martin Diño.
Katuwiran ni Diño, nasaktan daw siya ng sabihan siya ng COMELEC na isa siyang nuisance candidate kaya kusang-loob na siyang umatras. Say ni Mang Gustin na barbero ko: Sabihin mo iyan sa mga Marino…hehehe. Ngayon naman ang aabangan natin ay ang pag-oo o pagtanggi ni Duterte sa alok ng PDP-LABAN na magsilbi siyang presidential bet ng partido.
Sa ngayon, apat lang ang mga seryosong kandidatong maglalaban-laban sa pagka-pangulo: Mar Roxas (Liberal), Jojo Binay (UNA), Grace Poe at Miriam Santiago. Sa dinamidami ng mga naghain ng Certificate of Candidacy (COC) naunang sinabi ni COMELEC chair Andres Bautista na baka may isa pa na ideklara ang COMELEC na kuwalipikadong tumakbo sa pagka-pangulo.
Noon pa mang una ay batid na ng marami na ito’y isang ”drama” para lalung pag-usapan ng taumbayan si Duterte na bagama’t marami ang gusto na siya ay tumakbo ay wala naman siyang national clout na maipagmamalaki. Sabi ko nga noon, advertising strategy iyan. Wika nga, we were not born yesterday.
Pero kung hindi umatras si Diño, hindi ko siya ituturing na nuisance dahil malakas din naman ang partridong PDP-LABAN na kinabibilangan niya. Daig pa nga niya ang frontrunner sa popularidad na si Grace Poe na walang partido at tumatakbong independent kasama ang bise niya na si Chiz Escudero. Ngayon na lamang nagkaroon ng partido sina Grace at Chiz na tinatawag nilang Partidong Galing at Puso matapos mabuo ang kanilang senatorial slate kamakailan.
Kung tutuusin, sino ba si Diño? Nakasakay nga siya sa lehitimong partido ng PDP-Laban pero walang katunug-tunog ang pangalan kung national scope ang paguusapan. Pwede siguro kung mayor ang tinakbuhan niya o konsehal.
Nangunguna na sa mga naniniwala sa pagbabagong-isip ni Duterte ay si Sen. Alan Peter Cayetano na nagharap na ng COC para tumakbong bise ng Davao Mayor.
Sa tanang buhay ko, ngayon lamang ako nakasaksi ng ganitong election season na lipos ng kadramahan. Okay lang iyan basta’t huwag lang sanang maging madugo at lipos ng dayaan ang eleksyon at maiboboto ang tunay na karapatdapat.
- Latest