‘Pleasing personality’ bawal sa recruitment sa San Juan
BAWAL na igiit ang “fair skinned” o “with pleasing personality” sa job vacancy ads -- kung ito’y sa San Juan, Metro Manila. Parurusahan din ng city hall ang school na hahadlang sa enrolment ng bata kung walang baptismal certificate o marriage contract ng mga magulang.
Unanimous ipinasa ng Konseho at pinirmahan ni Mayor Guia Gomez ang “Anti-Discrimination Ordinance of San Juan City.” Pakay nito isulong ang pagka-pantay-pantay, at alisin lahat ng uri ng diskriminasyon. Batay ito sa mga karapatang pantao sa Bill of Rights, at mga pandaigdigang kasunduan.
Nagsilbing babala ang ordinansa sa mga kalakal at eskuwela na nanlalait sa sexual orientation, kapansanan, tribo, relihiyon, kalusugan, edad, at pangangatawan. Tugon ito ng may-akdang Councilor Angelo Agcaoili sa mga hinaing kontra panlalait, lalo na sa trabaho, mula sa pagpili ng mga empleyado batay sa hitsura ng aplikante.
Tinukoy ni Agcaoli ang pagsala sa recruits na makikisig, mapuputi ang kutis, at kaakit-akit (umano’y “pleasing personality”). “Pangdidiskita ‘yan,” ani Agcaoili. Ibig sabihin ba, kung sa paningin ay pangit ka, hindi mo kayang magtrabaho nang mahusay?”
Kinikilala pa rin ang lakas ng kompanya na tukuyin ang katangian na hinahanap sa mga aplikante, ani Agcaoili, “pero dapat may direktang kinalaman ito sa trabaho, o sa uri ng operasyon nito.”
Ipinagbabawal din pagsali ng edad, kalusugan, o gender identity sa mga katangian sa pagtanggap, pag-promote, o pag-sisante, o pagtakda ng sahod ng empleyado. Sa school enrolment naman, ayaw ni Agcaoili na pagdiskitahan ang bata dahil sa relihiyon, hiwalay o nagsisiping lang ang mga magulang, o anak sa labas.
Mga parusa: Warning sa first offense, multang P3,000 sa ikalawa, at P5,000 sa ikatlo. Obligasyon din ng city hall tulungan ang mga biktima sa pagsampa ng kaso laban sa violators.
- Latest