Marami na palang mga kaso, malaya pa rin?
KUNG hindi pa sapat na dalawang kasong murder, isang kasong frustrated murder at illegal possession of firearms ang hinaharap na ni Jose Maria Abaya, siya na rin ang itinuturong namaril sa sasakyan ng security sa TPLEX noong Hunyo nitong taon. Ayon kay Mr. Gerardo Dionisio, binaril sila nang walang dahilan ni Abaya habang nagpa-patrol sila sa TPLEX. Mabuti na lang at walang tinamaan sa kanila, pero may mga tama ng bala ang kanilang sasakyan. Na-impound ang Toyota FJ cruiser ni Abaya, at kinasuhan pala siya ng malicious mischief. Pero ganun nga, hindi naman kinulong. Sino ba itong Abaya na ito at tila napakadulas?
Ngayon, may lumutang pa na dalawang biktima umano ni Abaya. Binaril daw ang kanilang sasakyan sa may NLEX, matapos magkatinginan lang daw, isang araw bago siya namaril sa White Plains, QC. Tinamaan sa pisngi ang pahinante ng van. Nang mapanood nila sa balita ang nangyari sa White Plains, agad silang nagtungo sa presinto para magsampa ng reklamo dahil namukhaan si Abaya.
Pinaghahanap naman ng mga otoridad ang may-ari ng baril na ginamit ni Abaya sa pamamaril. Ayon sa mga rekord ng PNP, nakarehistro sa ibang tao ang baril, pero nang puntahan sa nakalagay na address, wala doon. Baka nagtago na rin. Maraming kailangang ipaliwanag rin ang taong ito.
Uulitin ko, bakit malayang nasa lansangan ang malinaw na peligrosong taong ito? Mga patong-patong na kaso ng pagpatay sa guwardiya, pamamaril sa grupo ng security, pamamaril sa makatingin lang sa kanya, ilang kaso ng illegal possession of firearms, malaya pa rin na nagmamaneho ng sasakyan na milyon-milyon ang halaga at armado pa? Ngayon, nadagdagan pa ng dalawang inosenteng pinatay nang walang dahilan. Ano pa ba ang nagawa nito na hindi pa natutuklasan? Kilalang gumagamit ng iligal na droga, pero pinababa-yaang gumala na armado pa? Palalabasin pa ba ang taong ito? May butas na naman ba ang batas para ma-ging malaya na naman ito? Kapag pinalaya na naman, sino naman kaya ang babarilin nang walang dahilan, at may dalawa pang baril na nakarehistro sa pangalan niya? Inaksyunan na ba ng PNP ang mga baril na ito?
- Latest