Bantay-sarado
KAHAPON, magdamag na hindi nakatulog ang mga tauhan ni MMDA Chairman Francis Tolentino at Quezon City Mayor Herbert Bautista sa paglalagay ng container vans, barbed wire sa center island ng Commonwealth Ave. upang mahadlangan ang mga militante na makalusot sa barikada ng mga tauhan nina NCRPO chief Dir. Carmelo Valmoria at QCPD chief C/Supt. Joel Pagdilao sa huling SONA ni Pres. Noynoy Aquino Batasang Pambansa. Marami ang nairita dahil nagmistulang garrison ng Hapones sa higpit ang pinairal sa naturang lugar, bagama’t suspendido ang klase sa lahat ng antas ng paaralan sa QC, nagalit ang mga empleado dahil na-late sila sa kanilang trabaho sa re-routing na pinairal ng MMDA. Kaya umaga pa lang ay nagpupuyos na ang mga damdamin ng mga militante na nagnanais na makalapit sa Batasan complex. Kahit mamaos pa sila sa kasisigaw siguradong hindi ito maririnig ni P-Noy dahil sa layo ng distansiya.
Mantakin n’yo mga suki, sa may St. Peter Church pa lang ay nakaharang na ang sankaterbang pulis bukod pa sa garbage trucks. Kaya masasabing overkill ang seguridad sa naturang lugar. Tanong tuloy ng mga nakausap ko: “May dapat bang katakutan si P-Noy?” Ang nais lamang kasi ng aking mga kausap ay ang kasagutan sa SAF-44, BBL, DAP at PDAP isyu, ang pagpapanagot kay DOTC Sec. Joseph Abaya hinggil sa MRT/LRT. Kaya ang pagpigil ng mga kapulisan sa martsa ng mga militante ay nagdulot ito ng pagkabuhol-buhol ng trapiko sa zipper lanes sa kabilang direksiyon ng Commonwealth. Umulan ng bato at pilit na itinumba ng mga militante ang container van. Doon nagsimula ang umbagan at ang pagbomba ng tubig. Hindi rin nakaligtas ang mga mamamahayag sa pangha-harass ng mga militante. Sa unang bugso nagresulta ito ng ilang sugatan sa panig ng mga militante.
Samantala, sa Maynila, matagumpay na na-demolished ang Quinta Market sa Carlos Palanca St., Quiapo. Sa kabila nang pag-iyak ng market vendors ng Quinta Market natuloy ang demolisyon. Naamoy ko, magbabago na rin ang isusulat nila sa balota sa 2016 elections. Si Manila mayor Joseph “Erap” Estrada kaya ang kanilang tinutukoy? Kasi hindi naman masama ang pagmo-modernized ng Quinta Market kung ang pamahalaan Lungsod ng Maynila ang mangangasiwa. Ang tutol nila ay ang pagsasapribado nito na kung tawagin ng mga taga-Manila City Hall Hall ay joint venture kuno. Abangan!
- Latest