‘Tulog ng maglagot (?)’
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
PLASTADO na ang likod sa higaan habang nakikinig sa paboritong rock duo nang biglang pumasok ang mga pulis at agad siyang pinosasan.
“Patulog na ang aking anak nang lumabas ako para kausapin ang barangay tanod at pulis. Bigla na lang silang pumasok at pinosasan siya. Naiwan ako sa labas at walang magawa,” kwento ni Valentino.
Ika-pito ng Nobyembre 2014 bandang alas tres ng hapon habang nagkakarpintero si Valentino Valles, 62 taong gulang, nakatira sa Mandaluyong City nang dumating ang kanyang anak na si April.
Pinauuwi siya nito dahil may mga pulis sa kanilang bahay.
“Hinuhuli daw ang anak kong si Edwin dahil naka-inom. Inisip ko natutulog lang naman yun kapag lasing bakit may mga pulis pa,” wika ni Valentino.
Nakita niya ang mga pulis sa labas ng kanilang bahay kasama ng dalawa pang tanod. Pagpasok niya ng bahay, nakahiga ang kanyang anak habang nagpapatugtog ng kanta ng Air Supply.
“Tahimik naman sa loob ng bahay hindi tulad ng ibinibintang nilang nanggugulo ang anak ko. Ang tugtog lang ang malakas,” sabi ni Valentino.
Pinapatulog niya ito at sumunod naman sa kanya ang 39 taong gulang na anak. Ilang sandali, tinawag siya ng Barangay Tanod na si James Hugo.
Tinanong daw nito kung ayos na si Edwin. Maya-maya ay bigla na lang itong nagsalita na pasukin na si Edwin sa loob. Unang pumasok ang dalawang pulis. Sumunod ang dalawang tanod at hinarangan umano nito ang pinto kaya’t hindi makapasok si Valentino. Nakita din daw niyang may hawak na baril si James kaya’t di na siya nakapasok.
“Pagtingin ko sa loob, nakadapa na ang anak ko habang hawak nila sa batok,” pahayag ni Valentino.
Paliwanag sa kanya ng mga pulis, dadalhin lang daw pansamantala ang anak sa barangay para patulugin. Nagtaka si Valentino kung bakit kailangan pang sa barangay gayung maayos na ito sa bahay.
“Sabi nila ‘safe keeping’ lang. Para wala nang mahabang usapan hinayaan ko na sila. Ayon din kay James dadalhin daw ang anak ko sa ospital para sumailalim sa medical examination pero hindi naman pinatingnan,” salaysay ni Valentino.
Idiniretso ang anak niya sa munisipyo at sumunod dun si Valentino. Nakita daw niya na biglang sinuntok ni James ang anak sa may tahi nito. Hinila-hila pa umano si Edwin at hindi pa tumigil kahit nagdudugo na ang kamay nito.
“Dinala nila sa presinto ang anak ko. Pag nawala daw ang tama ng alak papauwiin na siya,” salaysay ni Valentino.
Ilang linggo na daw nakakulong ang kanyang anak ngunit hindi pa ito pinapakawalan. Nalaman na lang nila na may kaso si Edwin na ‘Threat’ na sina Arnel Bonto at Roldan Basbas ang nakalagay na nagrereklamo at ‘Alarms and Scandals and Resistance and Disobedience’ na isinampa nina B/Ex-O James Hugo at barangay tanod na si Michael Santos.
“Nakausap namin yung mga nagreklamo ng Threat. Sabi nila ayaw daw nilang dumalo ng pagdinig dahil hindi naman totoo ang reklamo sa anak ko. Kaibigan kasi nila si Edwin,” salaysay ni Valentino.
Kalaunan ay umalis na ang dalawang nagreklamo sa kanilang lugar. Si James lang umano ang nagdidiin sa kanyang anak na makasuhan.
Kwento ni Valentino nagkaroon ng dating alitan ang kanilang pamilya nang maipakulong nila ang tiyuhin ni James na pinagtripan si Edwin. Binaril daw ito nung labingpitong taong gulang pa lamang ito. Inakala nilang maayos na ang lahat kaya’t hindi nila akalaing ipapakulong nito si Edwin.
“Lumapit na din kami sa Kapitan namin na si Dan Fernandez para humingi ng tulong. Nangako siyang kakausapin niya si James pero hindi naman nangyari,” ayon kay Valentino.
Noong ika-11 ng Nobyembre 2014 naglabas ng Resolusyon si Asst. State Prosecutor Josyli Tabajonda, ayon dito noong ikapito ng Nobyembre 2014 ng hapon habang nasa kanilang bahay ang nagrereklamong sina Bonto at Basbas ay narinig nilang sumisigaw si Edwin.
Agad nilang isinara ang pinto pero nagsimula nang buksan ang pinto habang sumisigaw ng “Pu7@ng !n2 niyo pag ako nakapasok sa loob ng bahay ninyo pagpapatayin ko kayo”. Rumesponde naman ang mga opisyal matapos makatanggap ng tawag sa may nagwawalang tao sa Brgy. Barangka Drive.
Nakita daw ng mga umarestong opisyal na sinusubukang sirain ni Edwin ang pinto ng mga nagrereklamo na nagiging sanhi na ng gulo. Ito ang dahilan kung bakit nila inaresto si Edwin.
Matapos suriin ang mga ebidensiyang naisumite, nakitaan ito ng ‘probable cause’ upang makasuhan ng Grave Threat at Alarms and Scandals habang dismissed naman ang Resistance and Disobedience dahil hindi ito napatunayan ng mga umaresto sa kanya.
Naiakyat na sa korte ang impormasyon sa Alarms and Scandals at 2 counts ng Grave Threats.
Anim na libong piso ang naitakdang piyansa sa kanyang anak. Nag-Motion to Reduce Bail sila at naibaba ito sa tatlong libong piso.
“Wala naman kaming pera kaya hindi namin siya mapiyansahan. Hindi naman dumadalo ang nagreklamo ng Grave Threat bakit hindi pa nadismiss?” pahayag ni Valentino.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Valentino.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa puntong ito hindi na importante kung nakatanggap sila ng subpoena o hindi. Maliwanag na dumaan siya sa ‘Inquest proceedings’ dahil nagkaroon na ng ‘determination of probable cause’ at naglabas na ang Judge ng order sa kanyang piyansa na anim na libo. Ang pagsikapan nila ay makalikom sila ng tatlong libong piso para sa kanyang pansamantalang paglaya habang didinigin ang kaso kung hindi maiiwan siya sa loob ng bilangguan hanggang matapos ang Prosecution na mailatag ang kanilang kaso. At matapos ito bago siya umupo para ibigay ang kanyang panig dun siya gumawa ng kanyang kontra salaysay at isumite sa korte para maging batayan ng mga tatanungin sa kanya.
Mas mainam ang ganitong hakbang para hindi sa simula pa lamang alam na ng Prosecution ano ang depensa mo. May nakatalaga namang Public Attorney’s Office (PAO) na ibibigay sa kanya at ang mga ito ay napakabihasa na humawak ng ganitong kaso. Yung sinasabi nilang natutulog na si Edwin nang siya’y damputin ito’y isang bagay na depensa (matter of defense) dahil maaari ngang natutulog siya, ito ay para sa kasong Alarms and Scandals, e paano naman ang Grave Threats ng dalawang kapitbahay na nagreklamo laban sa kanya?
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.
- Latest