Gawing madalas ang testing
SA patuloy na imbestigasyon na ngayon ay sumesentro na sa buhay ni Andreas Lubitz, ang pangalawang piloto ng bumagsak, o pinabagsak na Germanwings 9525, may bagong nalaman ang mga imbistigador. Nagpahayag ang dating kinakasamang flight attendant na noong nakaraang taon, nagsabi raw si Lubitz na “isang araw, may gagawin siya na magbabago sa buong sistema, at matatandaan ng buong mundo ang kanyang pangalan”. Ngayong naganap na nga ang pagbagsak ng eroplano kung saan siya ang itinuturong dahilan, may laman na pala ang kanyang sinabi noon. Ang mga ganitong pahayag pala ay hindi dapat binabale-wala.
Nagiging sentro nga ngayon ang mga piloto ng mga eroplanong pampasahero. Bago makapasa at matanggap ang isang piloto, kailangang dumaan sa neuropsychiatric testing para malaman kung nasa tamang isip. Pero isang beses lang yata ginagawa ito. Kapag natanggap na, hindi na yata nauulit. Sa kaso ni Lubitz, may pinupuntahan pala siyang klinik na hindi accredited ng Lufthansa, kaya hindi alam ng kumpanya. Bagama’t hindi pa alam kung para saan, ang hinala ay dahil may problema na sa pag-iisip. Itinago niya ito sa kumpanya dahil siguradong matatanggal siya sa trabaho kapag nalaman ito. Dagdag pa ng flight attendant, kaya siguro ginawa ang pagbagsak ng eroplano ay dahil alam na niya na hindi na matutupad ang kanyang pangarap na maging piloto ng Lufthansa mismo, dahil sa kanyang sakit. Ito na siguro ang sistemang sinabi niya na magbabago kapag nagawa na niya ang kanyang plano.
May panukala na kailangang dumaan ng mas madalas at hindi lang isang beses ang lahat ng piloto sa neuropsychiatric testing, para malaman kung may nagsisimulang problema sa pag-iisip. Dito makikita kung sertipikado pang magpalipad ng eroplano o hindi na. Isama na rin siguro ang personal na buhay nila, bagama’t tiyak may aalma. Pero dahil sa nangyaring ito, mas mahalaga ang kaligtasan ng lahat. Walang kalaban-laban nga ang mga pasahero at tauhan ng Germanwings 9525, dahil wala na sa tamang isip ang isang tao lamang. Ang sabi nga ng isang opisyal sa Germany, kapag may mga dinamay na inosenteng tao, hindi na dapat tinatawag na suicide.
- Latest