‘Sugatang Bayani’
MGA PASA sa katawan at hiwa sa talas ng pananalita. Pilitin man niyang lunukin ang lahat dumadating pa rin sa puntong nais na niyang sumuko.
“Naisip ko ng magpakamatay basta makauwi lang ako kahit nasa kahon na isang bangkay,” hinaing ni Len-len.
Ang mga katagang ito ang nagtulak kay Maribeth “Beth” Delgado, 39 na taong gulang upang maghanap ng mahihingan ng tulong para sa kapatid na si Babylyn “Len-len” Sarmiento-35.
“Sinasampal at binubugbog na siya ng kanyang employer. Nung una yung babae lang ang nananakit pero nitong huli pati lalaki sinasaktan na siya,” ayon kay Beth.
Aminado si Beth na hindi gaanong marunong ng Arabic si Len-len at iniisip niya baka ito ang dahilan kung bakit nasasaktan siya ng amo.
Ayon kay Beth bigla na lamang sinabi sa kanila ni Len-len na magtatrabaho ito sa ibang bansa. Naengganyo raw siya ng kanyang kaibigan.
“Magtatrabaho siya bilang domestic helper dun. Nagpadala na raw ng pera ang magiging employer niya pang ayos ng pasaporte. Agosto 26, 2013 nang umalis siya,” kwento ni Beth.
Nung simula ay maganda ang trato sa kanya ng employer niya. Ibinabalita pa nito na ipinamimili pa siya ng kanyang mga pangangailangang personal. Ang usapan Php11,600 ang magiging sahod niya. Ang ahensiyang Al Abeer Manpower Services ang tumulong sa kanya.
Lahat ng gawain ay kanya. Ang pahinga ay pagbabantay ng bata.
Pagkaraan ng ilang buwan nalaman niyang Php9,600 lang ang matatanggap niya.
Pagdating ng Nobyembre 2013 nag-text kina Beth si Len-len at sinabing mataray daw ang kanyang amo at lagi siyang sinisinghalan.
“Anong magagawa natin ikaw ang may gusto niyan?” sagot ng kanilang ina.
Tiniis ni Len-len ang kanyang amo. Wikang Ingles ang ginagamit nilang salita sapagkat hindi gaanong nakakaunawa ng Arabic si Len-len.
Mula sa pagsinghal grumabe sa paghila ng buhok ang naging pananakit sa kanya. Pebrero 2014 sinampal na raw siya nito.
“May pinakuha lang daw sa kanya sa sasakyan. Naggogrocery kasi sila nun. Hindi niya agad nakita sa kotse ang iniutos sa kanya. Pagbalik niya sa employer dinuru-duro at sinigawan siya,” salaysay ni Beth.
Pagkauwi nila agad siyang sinampal ng babaeng amo. Nung simula ay umaawat pa ang lalaki ngunit kalaunan ay sinasaktan na rin siya nito. Sa takot ni Len-len naihi na ito sa kinatatayuan.
Kapag umaalis ang amo ni Len-len ay pinapad-lock daw nito ang pinto.
“Sa sobrang pag-aalala ng mama ko sa kanya namatay siya nung Setyembre 15, 2014. Hindi niya kinaya ang pag-iisip sa kalagayan ng kapatid ko,” wika ni Beth.
Nagpaalam sa amo si Len-len para makadalo sa libing ngunit hindi siya pinayagan nito.
Marso 6, 2015 tumawag si Len-len sa pamilya. Sinusuntok at sinasampal daw siya ng kanyang magulang. “Kung makikita niyo lang ako baka hindi niyo na ako makilala. Puro pasa na ang katawan ko,” sabi umano ni Len-len.
Binilinan din daw silang huwag munang magte-text sa kanyang numero sapagkat kinukuha ng amo ang kanyang cellphone. Siya na lamang daw ang kokontak sa kanila.
Lalong kinabahan sina Beth dahil hindi na sila makakabalita kung ano ang kalagayan ng kapatid doon.
Ang kaibigan daw nitong humikayat sa kanya ay nakauwi na ng Pilipinas nang may mamatay na kamag-anak. Hindi na ito bumalik sa amo. Ito rin ang naging dahilan kung bakit hindi payagang umuwi si Len-len.
“Nitong Enero lang naisip na niyang mapakamatay. Makauwi lang daw siya kahit patay na. Talagang gulung-gulo na ang isip ng kapatid ko. Pati kaming nandito sa Pilipinas hindi namin alam ang gagawin para matulungan siya,” salaysay ni Beth.
Ang kapatid niya ay nagpunta sa ibang bansa upang magtrabaho at makatulong sa pamilya hindi para saktan at pahirapan ng mga amo doon.
Nais ng pamilya ni Len-len na mapauwi na siya dito dahil natatakot na sila sa maaaring mangyari sa kapatid. Ito ang dahilan ng paglapit nila sa aming tanggapan.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Beth.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, marami sa ating kababayan ang may kaparehong kwento nitong si Len-len. Marami sa nakasulat sa kanyang kontrata ang hindi natutupad tulad na lamang ng sahod. Upang matulungan si Beth nag-email kami sa Department of Foreign Affairs (DFA) kay Usec. Rafael Seguis ang lahat ng impormasyon tungkol sa kanyang kapatid. Agad namang sumulat si Usec. Seguis kay Consul General Ezzedin Tago ng Riyadh.
Agad namang umaksiyon ang ating embahada at kinausap nila ang employer nitong si Len-len. Ikinaila nito ang pananakit kay Len-len at nangakong dadalhin sa embahada si Len-len.
Sa balita sa amin ni Beth dinala na raw ang kanyang kapatid doon sa embahada at nakita raw na may mga pasa sa katawan kaya’t tinanong ito kung sasama pa ba pabalik sa kanyang employer. Nagpaiwan na raw ito sa embahada sa takot na masaktang muli.
Ayon daw sa ating embahada ang employer ni Len-len ang magbibigay sa kanya ng ‘exit visa’ at kapag nagmatigas itong huwag ipagkaloob ang kailangan para makauwi ay ang ating embahada na raw ang gagawa ng paraan para makabalik ng Pilipinas si Len-len.
“Maraming-maraming salamat po sa lahat ng tulong ninyo. Nakakahinga kami ng maayos dahil alam naming nasa maayos na ang kapatid ko,” wika ni Beth.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/calvento.files at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
UGALIING MAKINIG ng programang ‘BAHAY-NIAN’ tuwing Sabado, alas 12:30pm hanggang ala 1:00pm sa DWIZ 882 Khz am band at marami kayong mapupulot ng iba’t-ibang bagay na maari ninyong mapakinabangan sa araw-araw.
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
- Latest