EDITORYAL – Maghinay-hinay sa Bangsamoro Basic Law
SA aming palagay, senyales ang madugong enkuwentro sa pagitan ng PNP-SAF at MILF sa Mamasapano, Maguindanao para maghinay-hinay ang gobyerno sa pagpapasa ng Bangsa-moro Basic Law (BBL). Ipinaaalala ng pangyayari na huwag munang magpadalus-dalos sa pagpapasya sa BBL. Kailangan muna ang masusing pag-aaral, paghihimay at pagkunsulta kung nararapat nang isapinal ang BBL.
Kapag naisabatas na ang BBL, magkakaroon na ng kapangyarihan ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) at maaaring wala nang makapigil sa anumang kanilang gustuhin. Nakakatakot ang maaaring mangyari kapag hindi pinag-isipan nang matagal at maayos ang BBL.
Kung ngayon pa lang ay wala nang makitang sinseridad sa grupo kaugnay sa nangyaring masaker, ano pa kung mayroon na silang sariling awtonomiya. Sinabi ni President Noynoy Aquino nang magsalita sa telebisyon noong Miyerkules na dapat ay magkaroon ng sinseridad ang MILF at pangalanan ang mga miyembro na sangkot sa masaker. Hanggang ngayon, walang sagot ang liderato ng MILF. Balewala ang sentimyento nang nakararami sa nangyaring brutal na pagpatay sa 44 na miyembro ng SAF.
Halimbawang matuloy ang pag-uusap at pagdebatehan na ang BBL, dapat rebyuhin ang may kaugnayan sa karapatang pantao na nakasaad sa ipapasang batas. Sa nangyaring paraan ng pagpatay sa mga miyembro ng SAF na kahit nakabulagta na ay binabaril pa sa mukha, tila walang alam sa karapatang pantao ang mga miyembro ng MILF. Bukod pa sa brutal na pagpatay, pinagnakawan pa ang mga bangkay ng SAF. Hinubaran ng uniporme, kinuha ang cell phone, combat boots at iba pang maaaring pakinabangan.
Mag-isip muna ang gobyerno at baka magsisi sa dakong huli.
- Latest