Nahanap na
NAHANAP na ang AirAsia QZ8501 na nawala noong Linggo. Bagama’t hindi pa nahahanap ang eksaktong lokasyon ng eroplano, ilang katawan ang lumutang na sa karagatan, kumpirmasyon na bumagsak nga ang eroplano sa dagat. Sa kasalukuyan, siyam pa lang ang narekober sa 162 tao na nakasakay sa QZ8501. Nilalabanan ng mga rescue teams ang pababago-bago at masamang panahon kung saan natagpuan ang mga bangkay. Hindi magiging madali, pero konsuelo man lamang na nahanap na ang eroplano.
Magsisimula na rin ang pormal na imbistigasyon sa dahilan kung bakit bumagsak ang eroplano, sa kamay ng isang beteranong piloto. Alam natin na humiling ang piloto ng ibang ruta at taas ng paliliparan dahil sa masamang panahon, pero dahil may mga ibang eroplano na ilang taas ng himpapawid, hindi ito pinayagan. Nang payagan na sila, hindi na sumagot ang piloto at tuluyang nawala na sa radar. Pwede na siguro sabihing sama ng panahon ang sanhi ng pagbagsak, pero tiyak marami magtatanong. Kung masama ang panahon, bakit pinayagang lumipad?
Mahalaga na makuha ang tinatawag na “black boxes” o ang “cockpit voice recorder” at “flight recorder’. Dito mapapakinggan ang lahat ng pag-uusap ng mga piloto at tower, pati na ang usapan nila sa isa’t isa. Ang “flight recorder” ang magpapakita ng lahat ng kilos ng eroplano hanggang sa pagbagsak nito. Makikita kung ano ang naranasan ng eroplano, pati ang kilos ng mga piloto. Hindi mabilisan ang pag-imbistiga ng mga ito kapag na-rekober na ang dalawang mahalagang kagamitan. Kailangan nilang manigurado bago maglabas na pinal at opisyal na resulta. Nakasalalay ang buong industriya ng abyasyon sa resulta. Nais rin sigurado ng buong mundo malaman kung ano nga ang nangyari.
Malungkot ang pasok ng bagong taon para sa mga kapamilya’t kaibigan ng mga pasahero ng AirAsia QZ8501. Pero ganun nga, nahanap na sila. Hindi tulad ng Malaysian Airlines MH 370 na hanggang ngayon ay wala pang makita kahit maliit na bagay na bahagi ng eroplano. Sa pagbagsak ng QZ8501, may malalaman muli ang industriya kung may kailangang palitan sa disenyo ng mga eroplano, pati na ang mga kasalukuyang patakaran hinggil sa paglipad. Tiyak isyu ang sama ng panahon, kaya dito ang magiging sentro ng imbistigasyon. Beteranong piloto ang humiling ng bagong ruta at taas ng lipad, dahil nakikita niya ang nangyayari sa eroplano. Ang antala ng pagbigay ng pahintulot ay maaaring dahilan din sa trahedya.
- Latest