^

PSN Opinyon

‘Sa sobrang pilit, tuloy naipit’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

MAY mga bagay na halos ikamatay mo nang ipinaglalaban subalit darating ang panahon na iyong mapagtatanto na bandang huli kailangang bumitiw ka rin.

London, Abu Dhabi… Macau. Sa mga bansang ito sana unang lalapag ang mga paa ni ‘Wawo’ na ‘di raw mapirmi at parating nangangati.

“Tatlong beses na siya nagpunta sa airport. Tatlong beses din siyang ‘di pinapasok sa loob,” kwento ni ‘Omar’.

Nagsadya sa aming tanggapan si Omar Diamla, 27 taong gulang ng Bustos, Bulacan. Pinoproblema ni Omar ang asawang Domestic Helper (DH) na nasa bansang Jordan. Si Ann Rose Diamla mas kilala sa tawag na “Wawo”.

“Sige, kapag umalis ka hiwalay na tayo!” paghamon ni Omar.

Inangilan man ni Omar ang asawang si Wawo hindi ito nasindak. Wala pa ring nakapigil sa kanyang pag-alis.

Parehong taga Bustos, Bulacan si Omar at Wawo. Kinse anyos pa lang si Omar magkarelasyon na sila ng noo’y 17 anyos na si Wawo.

Limang taon silang magkarelasyon ng itanan ni Omar ang dalaga. Third year collage nun si Wawo, kumukuha siya ng kursong Hotel and Restaurant Management (HRM).

“Hindi na siya nakapagtapos pinakasal na kami ng mga magulang namin sa Simabahan ng Candava, Bulacan. Hindi nagtagal nagkaroon kami ng isang anak” ayon kay Omar.

Sa edad na dose mekaniko na ng motor si Omar. Ito ang hanapbuhay na pinagkakitaan ni Omar. “Maayos naman ang buhay namin. Hindi naman sila nagugutom. Ako rin ang kumikilos sa bahay… naglalaba,” ani Omar.

Ito raw ang dahilan kung bakit hindi niya pinapayagan si Wawo na magtrabaho sa ibang bansa.  Kwento ni Omar, nung mga nakaraang taon nalaman na lang niya mula sa misis na sumusubok itong lumabas ng bansa. Una raw ay sa bansang London. Sumunod sa Abu Dhabi at sa Macau.

Lahat ng tangkang pag-alis ni Wawo inilihim niya sa mister. Nalalalaman na lang daw ni Omar na galing siyang airport at hindi siya natuloy sa paglipad.

“Alam ko palagi siyang nagkaproblema dahil hindi kasi niya nakukumpleto ang mga requirements para makaalis ng bansa,” sabi ni Omar.

Buwan ng Hunyo taong kasalukuyan, kinausap si Omar ng biyenang si  Lita De Guia. Pinapaalam niya ang anak na payagan siyang magtrabaho ‘abroad’.

“Payagan mo na Omar… hindi lang naman para sarili niya yan. Para rin sa inyong tatlo ng anak mo,” ani ng biyenan.

Hindi pa rin napa-‘Oo’ si Omar. Nakita na lang niyang ayos na ang mga dokumento ng asawa at ang working visa nito.

Nalaman na lang niya na matagal na pa lang inasikaso ng asawa ang pag-alis. Hinikayat daw siya ng isang kapitbahay na si Julie Moya---kilalang ‘recruiter’ daw sa kanilang lugar. Sa galit ni Omar, pinunit niya ang mga dokumento ng asawa at hinamon ito, “Sige… pag-umalis ka hiwalay na tayo!”

Inakala ni Omar na mas pipiliin sila ni Wawo subalit nagkamali siya nagpumilit ito sa pag-alis.

Sinamahan ni Omar ang asawa sa Mabini, Manila sa ahensyang tutulong sa kanya. Ang Ellisar Manpower Services Inc. nakaharap niya ang may-ari ng kumpanya umano na si Anna Ellisar.

Pinangakuan daw si Wawo na sasahod ng halagang Php18,000 kada buwan para sa dalawang kontrata niya sa bansang Jordan bilang DH.

Umasa pa rin si Omar na hindi ituloy ng asawa ang pag-alis subalit buo ang desisyon ni Wawo. Ika-16 ng Oktubre 2014, tumawag na lang si Wawo sa mister at sinabing nasa ‘airport’ na siya at papunta na sa Jordan.

“Mag-usap naman tayo Daddy,” sabi ni Wawo.

Hindi naging maayos ang pamamaalam ng mag-asawa sa isa’t-isa. Hindi raw kasi matanggap ni Omar na magiging DH sa Jordan ang misis gayung siya raw ang gumagawa ng mga gawaing bahay.

Nagtatampo man si Omar, gumaan ang pakiramdam niya ng tumawag ang asawa nung ika-18 ng Oktubre at pinaalam na ligtas siyang nakarating ng Jordan. Isu-surender na raw nito ang cellphone subalit pinayagan daw siya ng amo na gumamit ng ‘computer’.

Nag-‘skype’ sila ni Wawo. Unang usap nila nakita niya sa ‘webcam’. ang tatlong Arabo sa likod nito, isang babae at dalawang lalaki.

“Sinabi ng asawa ko okay siya…pero umiiyak naman,” pagtataka niya.

Dalawang beses daw sila nakapag-‘skype’ ni Wawo at kapag nag-uusap sila palagi raw itong may bantay sa likuran.

Ika-24 ng Oktubre 2014, may tumawag kay Omar gamit ang ‘di rehistradong numero. Nagulat siya ng nagpakilala itong si Wawo.

“Daddy, ‘wag mong pababayaan ang anak natin. Sabihin mo kay Nanay okay lang ako,” umiiyak na sabi raw ng misis.

“Okay ka lang? Eh bakit ka umiiyak?” tanong ng mister sabay ‘hang’ daw ng telepono ni Wawo at sigaw ng ‘Ma’am… ma’am wait…”

Pinarating ni Omar ang problema ng misis kay Julie. Nagulat siya ng ibalita sa kanyang nitong nasa ahensya na nila sa Jordan ang misis at gusto na raw umuwi. Pinatawag ni Julie si Omar kay Anna para alaman ang lagay ng misis.

“Nagalit na lang si Anna. Ba’t daw ako tumatawag sa personal number niya. Pinatawag niya ako sa opisina pero sa kanya rin ako tinuturo,” aniya.

Ilang beses niyang tinawagan si Anna para tulungan siyang makausap si Wawo dahil ‘di na niya ito makontak subalit huling sagot daw nito sa cellphone, “Please! parang awa mo na lubayan mo ko,” pakiusap umano nito.

Ito ang dahilan ng pagpunta niya sa aming tanggapan. Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT”, DWIZ882 KHZ(Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM/Sabado 11:00-12NN)

PARA SA ISANG PATAS at balanseng pamamahayag, tinawagan namin si Anna Elissar para makuha naman ang kanyang panig subalit tumanggi siyang magsalita sa ere. Sinabi niyang papuntahin na lang dun si Omar sa kanilang tanggapan dahil kinakausap na raw niya ang employer ni Wawo.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ahensya nila ang may hawak kay Wawo kaya’t dapat lamang na sa kanila lumapit si Omar sa oras na nagkakaproblema ang kanyang misis.

Dapat ayusin ito ng inyong ahensya, kapag hindi niyo ito nagawan ng paraan na alamin ang tunay na kalagayan ng ating kababayan sa Jordan tutulungan namin si Omar na magreklamo sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA). (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landlines 6387285 / 7104038.

ABU DHABI

LEFT

NIYA

OMAR

WAWO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with