‘Piling imbestigasyon sa Senado?’
HINDI pa man nag-uumpisa ang imbestigasyon kay Senate President Franklin Drilon, kilos-pagong na ang Senate Blue Ribbon Committee ni Senator Teofisto Guingona III.
Ito ’yung kontrobersiyal na umano’y overpricing sa proyekto ni Drilon sa kaniyang balwarte, ang IloIlo Convention Center o ICC.
Bagong kasong ipinupukol sa kaniya na kung aanalisahin kauri ng umano’y overpricing din na proyekto ni Vice-President Jejomar Binay o ang Makati Parking Building. Bukod pa ito doon sa tagong hacienda daw niya sa Batangas.
Matatandaang, ikinasa agad ng Senate Blue Ribbon sub-committee ang imbestigasyon sa nabanggit na dalawang isyu laban sa bise presidente. Subalit, sa isyung ipinupukol kay Drilon, mukhang nag-aalangan yata ang mga senador.
Wala akong pinapaboran dito. Hinihimay at inaaalisa ko lang ng matalino at malaliman ang mga kaganapan para hindi matsubibo ang publiko. Ito ang pinaka-saysay ng kolum kong ito at ng aking programa na sabay na napapanood at napapakinggan sa telebisyon at radyo.
Baka kasi, sa dami ng mga naglalabasang kontrobersiya, malibang ang publiko sa mga “telenobela” tulad ng mga ipinapalabas sa telebisyon.
Nitong nakaraang araw, sinabi ng Senate sub-committee na binubuo nina Sen. Antonio Trillanes, Allan Peter Cayetano at Aquilino Pimentel III na magsasagawa lang daw sila ng imbestigasyon sa ICC kapag may nagpasa ng resolusyon.
Salamat naman at mayroong Sen. Miriam Santiago na nagsumite para maisulong na ang pag-iimbestiga.
Sa resolusyon ng senadora, agad kumambyo ang Senado. Sagot ni Guingona, hepe ng Blue Ribbon Committee, magsasagawa lang daw sila ng imbestigasyon kapag nakumpleto na nila ang mga inisyal na paghahanda. Wala pa itong binanggit na petsa o araw kung kailan sisimulan.
Kapansin-pansin tuloy ang kanilang “kulay” sa mga kasong isinasalang sa kanilang komite. Kung anuman ang kanilang mga dahilan na hindi sinasabi pero naaamoy, nalalasahan at nababasa ng taumbayan, kayo na ang bahalang bumalanse.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest