‘Gestapo’ tendency?
OPISYAL nang inimbita ng Senate Blue Ribbon (Mother) Committee si VP Jojo Binay sa susunod na hearing nito. Sana’y magpaunlak na ang VP para linisin ang kanyang pangalan. Sa walang puknat na pagsisiyasat kasi ng sub committee, ini-expect ng taumbayan na magpaliwanag siya at patunayan na siya’y walang sala.
Sari-sari ang opinion sa usapin tulad din ng iba-ibang interpretasyon ng mga maraming abogado sa iisang batas. Batid iyan ni Sen. Alan Peter Cayetano, ang isa sa mga gumigisa kay Binay. Pero sa pagpapatuloy ng hearing, kinuwestyon uli ni Cayetano ang pagmamay-ari ni Antonio Tiu sa 145-hectare agro-tourism property sa Rosario, Batangas.
Pero kahit daw si BIR Commissioner Kim Henares ay tila napapailing sa mga pagtatanong ni Cayetano kay Tiu at sa kanyang abogadong si Martin Subido. Halata kasi na gustong pigain nina Cayetano at Sen. Trillanes sa pamamagitan ng mga patudsada na si Binay ang may-ari ng property. Di ako abogado pero sa ilalim ng batas, ang isyu sa land ownership ay mareresolba lang ng isang korte at hindi ng mga nagaargumentong abogado. At lalong hindi ng isang Senate sub-committee.
At bakit sinabi ni Cayetano na kung kasama siya sa ocular inspection sa property ay papasukin niya ang bawat kuwarto ng otel doon Para patunayan sa media na may mga larawan o ano mang magpapatunay na sa mga Binay ang ari-arian? Korek si Tiu. Kapag ginawa ang ganoon ay isang kabastusan at paglapastangan sa privacy ng mga naka-billet sa otel. Okay magsiyasat kung may balidong rason pero timbangin dapat ng isang imbestigador ang binibitiwang salita.
Hinamon pa ni Cayetano si Tiu na sabay silang maglantad ng kanilang mga bank accounts at ganito ang naging tugon ni Tiu sa hamon: Puwedeng gawin ni Cayetano ito dahil sa dami ng kanyang mga bodyguards bilang Senador. Eh si Tiu na isang ordinaryong tao na walang guwardya, paano siya makatitiyak ng proteksyon laban sa mga masasamang loob?
- Latest