EDITORYAL - Sibak parak!
APAT na hepe ng pulisya sa Metro Manila ang sinibak sa puwesto dahil sa hindi mapigilang pagtaas ng krimen. Ang apat na police district director na sinibak sa puwesto ay sina Chief Supts. Richard Albano ng Quezon City Police District (QCPD), Rolando Asuncion ng Manila Police District (MPD), Erwin Villacorte ng Southern Police District (SPD) at Edgardo Layug ng Northern Police District (NPD).
Hindi si PNP chief Dir. General Alan Purisima ang sumibak sa apat na heneral kundi si DILG se-cretary Mar Roxas. Ganunman, sabi ni Roxas, ang nagrekomenda na sibakin ang apat na hepe ay si Purisima at si NCRPO chief Carmelo Valmoria. Sabi ni Roxas ang pagsibak sa apat ay para mapatindi ang paglaban sa kriminalidad sa Metro Manila. Ang pagsibak sa apat ay nataon naman na sinampahan ng kaso sa Ombudsman si Purisima. Kontrobersiyal si Purisima dahil sa kinukuwestiyong mga ari-arian nito sa probinsiya.
Nataon din ang pagsibak sa apat na habang iniimbestigahan ang kidnapping incident sa EDSA-Mandaluyong noong Setyembre 1 na kinasasangkutan ng walong pulis mula sa La Loma Police Station 1.
Responsibilidad ng mga hepe ang mga nangyayaring krimen sa kanilang nasasakupan. Sunud-sunod ang mga nangyaring krimen sa Metro Manila sa mga nakaraang buwan pero sabi ng PNP, bumaba pa nga raw. Mahirap paniwalaan ang sinasabi ng PNP sapagkat nakikita na sa CCTV ang ginagawa ng mga criminal. Kamakalawa, nakita sa CCTV ang pagpatay sa isang barangay kagawad ng isang grupo ng kalalakihan sa Caloocan. Nakunan din ng CCTV ang pang-aagaw ng cell phone sa isang estudyanteng babae sa QC. Nakunan din ang pagtangay ng isang lalaki sa isang nakaparadang kotse sa Sta. Cruz, Maynila. Kamakailan, nilooban at napatay ang ina ni actress Cherry Pie Picache. Nahuli na kamakalawa ang killer.
Isa sa mga pintas sa PNP ay ang kawalan ng pulis sa kalye. Nasaan sila at walang makasaklolo sa mga nangangailangan? Bakit walang nagpapatrulya pagsapit ng gabi.
Sana, tuloy-tuloy ang pagbalasa sa mga hepe na walang silbi! Hindi sana ningas-kugon ang lahat nang ito.
- Latest

















