Tip of the iceberg?
MATAPOS ang 30-taon mula pa noong 1986, umikot lang sa pamilyang Binay ang pamamahala sa Makati.
Itinalagang OIC ng Makati ni dating President Cory Aquino ang ngayo’y VP na si Jojo Binay noong 1986 at nagpatuloy bilang Mayor nang mahalal mula 1989 hanggang 1998. Natapos ang kanyang tatlong termino at pumalit sa kanya ang misis na si Dra. Elenita Binay (1998 hanggang 2001). Naging Mayor muli si VP Binay noong 2001 hanggang 2010.
Tumakbo siya at nanalong Bise Presidente at ang anak naman niyang si Junjun ang nahalal na Mayor ng Makati noong 2010 elections. Wala namang illegal dito.
Pero dahil nga sa isyu nang katiwaliang ipinupukol sa VP at sa kanyang anak na si Mayor Junjun Binay, iniisip ng marami na marami pang magsusulputang isyu ng katiwalian. Tip of the iceberg lang ang kasalukuyang isyu kumbaga. Kasabihan kasi na kapag nababad nang matagal sa kapangyarihan, nagiging irresistible ang tukso para patabain mo ang iyong bulsa ng pulitiko.
Nang magsalita si Commission on Audit chief Heidi Mendoza tungkol sa P2.7 bilyon overpriced Makati car park building, lalung nabuo ang paniniwala ng mamamayan na totoo ang mga alegasyon. Kasi nga, hangga ngayon ay wala pang naririnig ang publiko na kapanipaniwalang paliwanag sa mga inaakusahan partikular si VP Jojo Binay.
Ang gusto ng taumbayan ay makapag-eksplika si Binay at linisin ang pangalan. Yun lang. Sayang kasi ang mataas niyang trust rating na unti-unting dumadausdos. Sinimulan ng noo’y Makati Mayor Jojo Binay VP Binay ang Makati parking Building, na natapos sa administrasyon ng kanyang anak na si Junjun.
Tinawag na “overpriced” nina Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano at Sen. Antonio Trillanes ang proyekto kahit ipinipilit ni Mayor Junjun na ito’y “world class” at “certified green building”.
Pero sa ocular inspection at pagkilatis ng mga eksperto, maihahalintulad lamang ang 11-storey parking building sa ibang ordinaryong gusali, kaya tinawag na “overpriced”!
Si VP Binay ay pumupuntirya sa pagka-presidente ng bansa kaya hindi makabubuti na balewalain lang ang mga alegasyon kahit sabihin pang ito’y isang demolition job.
- Latest