Sleeping Giant
NOONG Miyerkules ay muling bumulaga sa ulirat ng publko ang pangalan ng isang matagal nang nananahimik na higante – si former Congressman, Defense Secretary at Presidential Candidate Gilberto “Gibo” Teodoro, Jr. Tinawag natin itong higante dahil marami ang humanga sa kanyang angking galing, talino at pagkakumbaba noong tumakbo itong Pangulo sa 2010. Sa mata ng di iilan, isa ito sa mga lingkod bayan na may magandang pangalan at reputasyon na laging mapapabilang sa anumang listahan ng kandidato para sa mataas na posisyon sa pamahalaan.
Ang pangalan ni Gibo ay naisama sa mga posibleng Vice Presidential Candidate sakaling muling tumakbo si Senadora Miriam Defensor-Santiago bilang Pangulo. Isa ito sa star-studded “wish list” ni Senadora, kasama sina Topnotcher Senator Grace Poe at ang “take no prisoners” na Ama ng Lungsod Davao, Rody Duterte. Dahil sa statement ni Sen. Miriam, muling nabuksan ang usapin tungkol sa posisyon ng Vice President ng bansa.
Kung gaano karami ang probisyon sa Saligang Batas tungkol sa Pangulo, sa kwalipikasyon at kapangyarihan nito, ganoon namang kakaunti ang inilaang probisyon tungkol sa Pangalawang Pangulo. Pareho ang kwalipikasyon at termino nito sa Pangulo. Wala siyang opisyal na responsibilidad subalit maari siyang italaga bilang miyembro ng Gabinete (na hindi kailangan dumaan sa Commission on Appointments) kung nanaisin ng Pangulo. Maari rin itong ma-impeach katulad ng Pangulo. Dahil sa kawalan ng pormal na responsibilidad ng nakapuwesto dito, sinabi ng kilalang Constitutionalist na si Fr. Joaquin Bernas na wala itong pakinabang kung hindi ang maghintay na mabakante ang opisina ng Pangulo at saka gampanan ang katungkulan nito. Tinawag niya ang Vice President na “President in reserve”.
Sa mga lumulutang na pangalan na maaring tumapat kay Jejomar Binay sa 2016, wala naman talagang may pag-asa. Ano pa mang paninira ang gawin nila, tulad ng sinubukan sa kanya nang tumakbong Bise sa 2010, hindi rin matitibag ang hawak niya sa puso ng botante, lalo na ng masa. Mas kapanapanabik tuloy ang karera sa Vice President. Ang pagpasok muli ng pangalang Gibo sa konsiderasyon ay tiyak magdadagdag sigla sa usapan.
- Latest