EDITORYAL - Higpit ngayon, luwag bukas
MALUWAG ang seguridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kaya walang anumang naipasok sa parking area ng Terminal 3 ang isang Toyota Revo (plate number WMK 129) na may lamang mga pampasabog. Nadiskubre ng National Bureau of Investigation (NBI) ang sasakyan dakong 1: 45 ng madaling araw noong Lunes. Apat na lalaki ang naaresto. Nakuha sa kanilang posisyon ang anim na “improvised explosive divices”. Nakakuha ng kalibre 38 baril sa isa sa mga suspek. Ayon sa report, nagpakilalang reserved military officers ang mga suspek. Bukod sa pambobomba sa NAIA, balak din umanong bombahin ang Mall of Asia, at ang tanggapan ng DMCI sa Makati City.
Kung natuloy ang tangkang pagpapasabog sa NAIA, tiyak na maraming mamamatay. Isang malaking kahihiyan na naman ang idudulot sa mundo sapagkat lagi nang binabatikos ang NAIA bilang pinaka-worst airport. Hindi lamang pala ang pangit na pasilidad, sirang aircon, sirang comfort room, kakulangan sa tubig kundi pati pala ang grabeng kaluwagan sa seguridad ang problema. Ilang taon na ang nakararaan, isang mayor ang binaril at napatay sa NAIA. Nagkunwaring mga pulis ang pumatay sa mayor. Nakatakas ang mga suspek na hindi man lang natugis ng airport policemen.
Kahapon, muling ipinatupad ang paghihigpit ng seguridad sa NAIA. Binubulatlat ang mga dala-dalahan, iniinspeksiyon ang mga compartment ng sasakyan, walang patlang ang pag-amoy ng mga K-9 sa mga bagahe at wala ring tigil ang patrol car sa bisinidad ng airport.
Sana, regular na ginagawa ang mga ganitong pagrerekisa at pag-iinspeksiyon at hindi kung kailan may nag-attempt nang mambomba o magpasabog. Kung palaging alerto ang mga taga-NAIA, hindi maipapasok ang mga pampasabog.
Ang pagkakadiskubre sa planong pagpapasabog ay dapat magdulot ng aral sa awtoridad. Ipatupad ang masusing pagbabantay lalo pa nga sa mataong airport. Huwag ningas-kugon. Dapat malaman na naghihintay lamang ng magandang pagkakataon ang mga may “utak-pulbura” para maisagawa ang kanilang masamang hangarin, Huwag hayaang makapangyari ang kanilang kasamaan.
- Latest
- Trending