Kayabangan
ANO ba talaga ang batas hingil sa pagdala ng baril sa labas ng tahanan? Hindi ba dapat nakatago at hindi naka-display? Ang puwede lamang mag-display ng baril ay ang mga naka-unipormeng pulis, hindi ba? Ayon sa isang kaibigan ko, nakita niya ang isang insidente kung saan ipinakita ng isang naka-motorsiklo ang kanyang sukbit na makintab na baril, dahil may nakaalitan umano sa daan. Naganap daw ito sa kanto ng Santolan at Ortigas Avenue noong Lunes ng tanghali. Puwede ba ang ganyang paninindak? Hindi ba grave threat na iyan? Hindi ba ang baril ay ginagamit lamang para ipagtanggol ang sarili, at hindi para makalamang sa lahat, o makalalaki?
Kung pulis naman ang lalaking ito, bakit hindi niya hinuli ang kaalitan kung naniniwala siyang nasa tama siya? Kung sa tingin niya ay lumabag sa batas, bakit hindi hinuli? Kung pulis ito, mas lalong masama ang kanyang ginawang paniÂnindak, hindi ba? Kung ordinaryong mamamayan naman, hindi ba bawal ang ipagyabang ng ganyan and dalang baril?
Naghihigpit na ang PNP hinggil sa pagbigay ng mga lisensya ng baril. Itinigil na raw muna ang permit to transport para sa mga walang permit to carry. Pero ang dapat higpitan ay ang permit to carry. Kung ako ang tatanungin, ang taong ito na nagyabang ng baril ay hindi dapat binibigyan ng lisensya para mailabas ng bahay. Kung pulis naman ito o ano pang taga-gobyerno, mas lalo na.
Sunud-sunod ang mga krimen sa bansa. Ang pagpatay sa isang may-ari ng mga hotel at resort sa Davao, ang pananambang sa kampeong karerista na si Enzo Pastor, ang pagpatay sa mayor ng Urbiztondo, Pangasinan. Lahat naganap sa loob ng ilang araw lamang. Naiinitindihan ko ang paghigpit ng PNP hinggil sa baril. Sana lang ay para sa lahat, at hindi lang sa mga walang koneksyon, mga di kilalang tao, mga sumusunod naman sa batas. Higpitan din nila sana sa mga katulad nitong nagpakita ng makintab niyang baril. Kayabangan lang talaga ang dahilan kung bakit may baril. Makatapat kaya ng kriminal na may baril din, lalaban kaya, o aalis na lang sa kanyang motorsiklo?
- Latest